59,000 trabaho naghihintay sa ginagawang Metro Manila Subway Project – DOTR

Imahe mula sa DOTr/Wikipedia
  • Lilikha ng halos 59,000 na trabaho ang ginagawang Metro subway project, ayon sa DOTR
  • Ito ay kapag dumating na mga TBMs na maghuhukay sa dadaanan ng rail network sa Enero 2021
  • Inaasahan ang ‘partial operation’ ng subway sa December 2021 at ‘full operation’ nito sa 2024

Inaasahang lilikha ng halos 59,000 na trabaho ang ginagawang Metro Manila Skyway Project (MMSP) lalo na kapag dumating na sa bansa ang mga tunnel boring machines (TBM) upang maghukay sa dadaanan ng rail network.

Bagama’t inamin ni Transportation Secretary Arthur Tugade na naapektuhan ng umiiral na pandemya ang MMSP, tuloy pa rin umano ang proyekto na pinondohan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) at iba pang Japanese partners.

Sec. Tugade| Imahe mula sa DOTr Facebook

Nakatakda na sanang dumating sa bansa ang una sa 6 na TBMs na gawa ng JIM Technology Corp. (JIMT) nitong Agosto mula sa Japan subalit naantala ito at naurong sa Enero 2021.

Ganunpaman, magbubukas umano ng halos 59,000 na trabaho ang proyekto sa mga darating na buwan. Aabot sa 9,000 dito ay direct hiring habang 40,000 hanggang 50,000 naman ang indirect hiring.

“The Metro Manila Subway Project is expected to generate a lot of employment and help stimulate local businesses reeling from the COVID-19 crisis,” ani Tugade sa ginawang virtual media factory tour ng mga TBMs.

TBM| Imahe mula sa DOTr Facebook

Isang magandang balita ito lalo na ngayong nawalan ng trabaho ang maraming Pilipino dahil sa krisis sa COVID-19 pandemic.

Umaasa naman si Tugade na sa kabila ng pagkaantala ng proyekto, magbubukas pa rin ang MMSP kahit partial operation lamang sa Disyembre 2021. Inaasahan namang full operation na ito sa 2024 o 2025, ayon sa kalihim.

Ang proyekto ay nagkakahalaga ng tinatayang P393-B. Nagkaroon ito ng groundbreaking ceremony noong Pebrero 2019.

Imahe mula sa MMSP

Ito ay may habang 35 kilometro at mayroong 17 stations mula Valenzuela City hanggang Ninoy Aquino International Airport sa Paranaque City.

Ang mga stations ay kinabibilangan ng: East Valenzuela, Quirino Highway, Tandang Sora, North Avenue, Quezon Avenue, East Avenue, Anonas, Katipunan, Ortigas, Shaw, Kalayaan Avenue, Bonifacio Global City, Lawton, Senate, FTI, NAIA Terminal 3, at Bicutan.

Loading…