68-anyos na lolang araw-araw nagwo-workout sa gym kinabiliban, tinawag na “hardcore grandma”

Screenshot mula sa Yahoo News video
  • Isang celebrity na kung ituring sa China ang isang 68-anyos na lola na mahilig mag-workout sa gym
  • Naitampok na ang lola sa mga pahayagan at telebisyon na nagbansag sa kanya ng “hardcore grandma”
  • Hangga’t nabubuhay ay patuloy umanong magwo-workout si lola

Sisenta y otso (68) anyos na si Chen Jifang at nagtataglay siya ng pangangatawan na pinapangarap ng maraming mas nakababata sa kanya. Ito ay dahil sa nakahiligan niyang pagwo-workout sa gym ng dalawang oras araw-araw.

Screenshot mula sa Yahoo News video

Siya ngayon ang itinuturing ng Chinese government na isang magandang ehemplo para sa mamamayang hinihikayat na magkaroon ng malakas na pangangatawan at magbawas ng timbang lalo na ngayong may pandemya.

Mistulang isang celebrity na ang lola na naitampok pa sa ilang pahayagan at programa sa telebisyon kung saan binansagan siya bilang “hardcore grandma.”

Taong 2018 nang magsimula siyang mag-gym. Sa loob lang ng tatlong buwan ay nabawasan ang timbang niya ng 14 kilos. Nagustuhan niya ang resulta ng kanyang pag-eehersisyo kaya hanggang ngayon ay patuloy niya itong ginagawa. Aniya, hanggang may hininga pa siya ay ipagpapatuloy pa rin niya ang pagdyi-gym.

Kwento ng apo niyang 14 years old, nasorpresa raw ang lahat ng tao sa gym nang unang magpalista ang kanyang lola.

Screenshot mula sa Yahoo News video

Nagsimula umano siyang mag-gym matapos niyang makilala ang isang personal trainer. Nag-aalala na rin siya noon sa hindi magandang lagay ng kalusugan at mabigat na timbang. Bago magretiro ay isa siyang empleyado noon sa isang food company.

Sa tulong ng kanyang trainer ay nakamit ni Chen Jifang ang magandang pangangatawan. Noong nakaraang taon ay binigyan na siya ng doktor niya ng “clean bill of health” matapos makipagbuno sa fatty liver, mataas na blood pressure at katarata.

Screenshot mula sa Yahoo News video

Ayon pa kay lola Chen Jifang, na may 410,000 TikTok followers, kapag ang muscles ay “strong” at “powerful” ay mapoprotekhan ang iyong buto, lalo na sa mga tulad niyang matatanda na madaling matumba.

Sa lugar nila sa Shanghai, marami raw na tulad niyang senior citizen ang nag-eehersisyo sa pamamagitan ng pagsasayaw sa mga parke at sa iba pang pampublikong lugar, ngunit anumang pagsasayaw ang gawin ng mga ito ay hindi raw makakamit ang tulad ng kanyang physique.

Nilinaw niya na hindi siya tutol sa pagsasayaw, mainam din naman daw iyon.

Screenshot mula sa Yahoo News video

Loading…