76-anyos na lolang PWD na hindi na raw kayang alagaan iniwan na lang sa ilalim ng tulay

Imahe mula sa Manila PIO
  • Lolang PWD iniwan na lang sa ilalim ng tulay
  • Ipinadadala ng pamangkin sa isang shelter para sa mga matatanda ang tiyahin niya ngunit hindi raw tinanggap kaya iniwan na lang ito ng kanyang inutusan sa ilalim ng McArthur Bridge
  • Galit na galit na pinagsisigawan ni Mayor Isko Moreno ang mga suspek dahil sa ginawa

Kahabag-habag ang sinapit ng isang 76-anyos na lola na napag-alamang isang person with disability matapos siyang basta na lang iwanan sa ilalim ng McArthur Bridge sa Maynila.

Screenshot mula sa video ng Manila PIO

Agad namang na-rescue ng mga kawani ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) ang matanda matapos kumalat sa social media ang kanyang larawan na ibinahagi ng isang netizen na naawa sa kalagayan ng matanda na kinilalang si Lehicia Tan.

Nakunan ng CCTV ang pag-iwan sa biktima. Isang tricycle ang tumigil sa ilalim ng McArthur Bridge at ibinaba ng isang babae at ng tricycle driver ang matanda.

Agad namang dinampot ng Manila Police District Special Mayor’s Reaction Team ang mga suspek na sina Ephraim Tan Yap na pamangkin ng matanda, at ang nakunan sa CCTV na si Emerita Decilio at tricycle driver na si Rogelio Espino.

Galit na galit na pinagsisigawan ni Manila Mayor Isko Moreno ang tatlong suspek nang iharap ang mga iyon sa kanya.

Imahe mula sa Manila PIO

Batay sa salaysay ng mga suspek, ang matanda ay tatlong linggong na-confine sa Metropolitan Medical Center. Ang pamangking si Ephraim Tan Yap ang nag-aaruga sa matandang tiyahin mula pa noong mabalo ito.

Dahil hindi na raw niya makayanan ang bigat ng responsibilidad ay inutusan daw niya si Emerita (“Emie” Decilio na dalhin sa Missionaries of Charity ang matanda. Nag-abiso naman daw sa barangay ang pamangkin na ipadadala ang tiyahin sa shelter para sa mga matatanda.

“Lumapit po ako kay Emie, pagtapos po noon pumunta kaming barangay para sa certification na inaaban**na ko na ang auntie ko. Kaya humingi po ako ng tulong para maipadala siya sa mga center,” aniya.

Imahe mula sa Manila PIO

Inarkila ni Decilio ang tricycle ni Rogelio Espino upang madala na sa shelter ang matanda subalit tumanggi raw ang Missionaries of Charity. At dahil hindi alam kung saan dadalhin ay iniwan na lang nila ang biktima sa ilalim ng tulay.

“Mayroon na po akong certificate sa barangay na si Mrs. Tan ay aban**ned kaya kailangan tanggapin ng Missionaries of Charity kasi aban**ned na. Pero wala pong tumanggap sa’min, kaya desperado na po ako. Aaminin ko po iniwan ko po,” paliwanag ni Emie.

Ang biktima ay kasalukuyang nasa ilalim ng pangangalaga ng isang rescue center ng MDSW.

Imahe mula sa Manila PIO
Source :

Facebook, ABS-CBN

Loading…