Academic freeze, panawagan ng grupo ng kabataan kay Pangulong Duterte

  • Academic freeze ang panawagan ng grupong Samahan ng Progresibong Kabataan o SPARK kay Pangulong Duterte
  • Hindi pa raw kasi handa ang mga mag-aaral at guro para sa distance learning
  • Iminumungkahi nilang buksan ang mga klase sa Enero 2021

Ipinanawagan ng isang grupo ng kabataan ang academic freeze o pagpapahinto sa pagbubukas ng mga klase ngayong school year 2020-2021 kay Pangulong Rodrigo Duterte hanggang hindi pa handa ang lahat para sa distance learning, dulot na rin ng pandemya.

Ayon sa chairperson ng Samahan ng Progresibong Kabataan o SPARK na si John Lazaro, sa pamamagitan lamang daw ng Executive Order o EO ng pangulo ay magagawa nitong maatasan ang lahat na magsimula na lamang ang mga klase sa Enero 2021. Maituturing daw kasi na “burden” ang pagsasagawa ng online classes.

Public Domain Image

“All it takes is for Duterte to sign his name once, and millions of students and their parents will be alleviated from the burden of online classes until January,” aniya. Sabi nga raw, “No student left behind.”

Matatandaang ipinahayag na noon ni Duterte ang pagharang sa pisikal na pagbubukas ng mga klase sa mga paaralan at pamantasan hangga’t walang bakuna para sa COVID-19. Aniya, “He must put his pen where his mouth is, and act on it.”

Nagsagawa ng kilos-protesta ang grupo nitong Lunes, Agosto 31, 2020 sa harapan mismo ng gusali ng Commission on Higher Education o CHED sa Quezon City. Panawagan nila, kung hindi igigiit ang academic freeze, dapat man lamang ay magkaroon ng hakbang ang pamahalaan para sa procurement ng laptops para sa mga mag-aaral at guro, konsultasyon sa maaaring lamanin ng mga learning modules, at broadcast content.

Kamakailan lamang, kinansela ng Department of Education o DepEd ang pagbubukas ng mga klase online para sa school year 2020-2021, mula Agosto 24 patungong Oktubre 5. Samantala, hindi naman sakop nito ang mga kolehiyo at pamantasan, ayon kay CHED Chairman Prospero de Vera III.

Imahe mula sa Sunstar

“Universities and colleges have the freedom to choose what mode would be effective for them. Some of them would be using pure online, pure modular, while others are combination of the two,” aniya.

Loading…