Ano ang dapat gawin kung walang lumabas na pera sa pagwi-withdraw sa ATM?

  • Nagbigay ng tips ang Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP sa mga taong nag-withdraw sa ATM ngunit hindi lumabas ang cash
  • May limang hakbang silang ibinigay
  • Nagbahagi naman ang mga netizens ng kanilang karanasan hinggil dito

Malaking convenience sa mga tao  ang dulot ng pagkakaroon ng Automated Teller Machines o ATM dahil hindi na kailangan pang magtungo sa mga bangko kapag kinakailangan ng cash, lalo na kung araw ng Sabado o Linggo, dahil hindi lahat ay bukas at may operasyon kapag weekend. Subalit paano kung walang iniluwang pera ang ATM sa iyong pag-withdraw? Ano ang kinakailangan mong gawin?

Nagbigay ng guidelines ang Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP sa mga hakbang na maaaring gawin kung sakaling hindi makuha ang cash na dapat ay makukuha sa pagwi-withdraw.

Public Domain Image

Una, isulat ang petsa, oras, lokasyon ng ATM at iba pang impormasyon tungkol sa naging transaksyon.

Pangalawa, mangyaring itago ang resibo upang magkaroon ng katibayan na nagsagawa ng transaksyon dito. Maaari itong kuhanan ng larawan o ipa-photocopy dahil may mga resibong madaling mabura ang mga nakasulat sa paglipas ng panahon.

Pangatlo, ipagbigay-alam kaagad sa mga kinauukulan ang nangyari. Tumawag kaagad sa mga emergency hotlines ng  inyong bangko at sabihin ang detalye ng insidente.

Pang-apat, magsampa ng pormal na reklamo. Kung sakaling hindi kaagad natugunan ang insidente o hindi naibalik ang pera, magpadala ng sulat-reklamo sa bangko, kasama ang mga mahahalagang dokumento katulad ng resibo.

At panlima at panghuli, maaaring dalhin ang ulat sa BSP. Kung hindi agad maaaksyunan ng bangko ang reklamo, iparating kaagad ito sa BSP sa pamamagitan ng kanilang mga daluyan ng komunikasyon. Huwag kalimutang ilakip ang mga detalye at sipi ng mga dokumento, lalo na ang pagpapadala ng reklamo sa bangko.

Naglahad naman ng kanilang karanasan ang mga netizens kaugnay ng concern na ito.

“Nangyari na rin sa akin ‘yan, months bago naibalik… kinaltasan pa ako ng penalty ng bangko kasi nag-below minimum yung balance,” sabi ng isa.

Public Domain Image

Wika naman ng isa, “Naranasan ko ‘to dati, dalawang beses pero binalik naman agad ng teller yung perang nawala… paliwanag nila may glitch daw po minsan ‘yung machine. Pero ‘di nila alam kung bakit nangyayari ‘yon baka na rin siguro may nagtatangkang lagyan nang skimming device pero ‘di natutuloy dahil maraming tao at nasa loob iyong ATM booth.”

“Ang dapat na tanong diyan, bakit nangyayari iyon? Dapat may solution kaagad kasi computerized na nga, ‘di ba? Centralized system na, so bakit hindi agad puwede ibalik iyong hindi lumabas na pera mo? Kasalanan mo ba yun? giit naman ng isa.

Kung naranasan mo ito, agad na isagawa ang mga tips na ibinigay ng BSP upang maibalik ang perang pinaghirapan mo.

Loading…