Babala ng optometrician: Pekeng anti-radiation glasses nagkalat online

Image by Chester Macapagal via Facebook
  • Nagbabala ang isang optometrician sa mga nagkalat na pekeng anti-radiation glass online
  • Sumakit ang ulo at namula ang mata ng isa niyang kliyente dahil dito
  • Napag-alaman ng doktor na hindi blue coated lens ang nabili ng kanyang kliyente online kundi “demo lens” lamang

Nagbabala ang isang optometrician sa mga mamamayan kaugnay sa pagkalat ng mga pekeng anti-radiation at blue-coated lenses na ibinebenta online.

Pahayag ni Dr. Chester Macapagal sa Facebook, isa umanong pasyente ang nagpakonsulta sa kanya kamakailan makaraang sumakit ang ulo at mamula ang mga mata nito kahit na ilang araw pa lamang na ginagamit ang produktong binili.

Wika ni Macapagal, mas mainam na magpakonsulta pa rin sa mga eksperto para sa tamang pag-aalaga ng paningin.

“Sa mga magulang, alam natin na mahirap ang buhay kaya kumakapit ang iilan kung saan nakakamura, pero isipin naman natin ang paningin ng mga anak ninyo, medyo may kamahalan nang kaunti ang lehitimong lente pero ‘di naman maisasakripisyo ang kalusugan ng inyong mga anak.”

Makasisiguro, aniya, na lehitimo ang salamin kung ito’y galing sa mapagkakatiwalaang doktor at lehitimong klinika.

Sa kanyang pagsusuri, napag-alaman ng doktor na hindi blue coated lens ang nabili ng kanyang kliyente online kundi “demo lens” lamang.

Paalala niya sa mga online sellers, mayroong Republic Act 8050 o Revised Optometry Law na siyang nagsasaad kung sinu-sino ang mga may legal na kakayahan para sa salamin sa mata.

“‘Di naman namin kayo pinipigilan kumita at makaraos sa pandemyang ito pero ilagay ninyo sa tama at alamin ninyo kung “legal” ba kayong magbenta ng mga bagay na nais ninyong ibenta tulad ng mga protective eye glasses.”

Image by Chester Macapagal via Facebook

Wala raw problema kung lehitimo at legal ang ibinebentang produkto.

Agad namang nag-trending ang FB post ng doktor na nakakuha na ng higit 5,400 reaksyon at nasa 17,000 pagbabahagi habang ipino-post ito.

Sabi ng isa, “Mahirap na talaga ang magtiwala sa panahon ngayon.”

Image by Chester Macapagal via Facebook
Source :

Facebook

Loading…