Mga bahay na pinagmukhang silid-aralan o ‘classhome’ malaking tulong sa mga mag-aaral sa Tayabas

Imahe mula kay Jeffrey Dimailig
  • Ilang bahay sa Tayabas, Quezon ginawang parang silid-aralan
  • Malaking tulong ang ‘classhome’ upang makapag-adjust ang mga mag-aaral sa distance blended learning
  • An ‘classhome’ ay ideya ni Mate Elementary School head Jeffrey Dimailig na suportado ng mga magulang sa kanilang komunidad

Hindi  pa pinapayagang bumalik sa  school campus ang mga mag-aaral para sa darating na school year na sisimulan sa Oktubre. Distance blended learning muna sa loob ng bahay ang mga estudyante habang umiiral pa rin ang health crisis sa bansa.

Imahe mula kay Jeffrey Dimailig

Sa Tayabas, Quezon, isang guro ang nakaisip na ‘dalhin’ ang silid-aralan sa mismong tahanan ng mga mag-aaral.

Sa ilang pagpupulong na ginawa sa kanilang komunidad, ipinanukala ni Mate Elementary School head Jeffrey Dimailig na gawing tila silid-aralan ang ilang tahanan na tinawag nilang “classhome” upang matulungan ang mga mag-aaral na makapag-adjust sa bagong paraan ng pag-aaral ngayong panahon ng pandemya.

“Para maramdaman ng mga bata na sila ay pumapasok pa rin at makita nila na ang environment ng kanilang bahay ay parang nasa eskuwelahan pa rin,” sabi ni Dimailig sa panyam sa kanya ng ABS-CBN.

Sa isang classhome ay makikita ang mga reading materials at mga posters na karaniwang makikita sa isang tipikal na silid-aralan sa mga paaralan.

Ang mga mag-aaral na hindi makapag-classhome sa bahay nila ay maaaring maki-classhome sa ibang bahay. May protocols naman daw silang sinusunod tulad ng ginagawa sa mga paaralan upang maingatan ang mga mag-aaral.

Imahe mula kay Jeffrey Dimailig

“Mayroon kaming protocols kagaya ng nasa eskuwelahan ‘pag papasok ang bata, may attendance, alcohol, face mask. Sa aming community, luckily, zero ang case namin sa COVID,” ani Dimailig.

Suportado ng mga magulang ang ideya ni Dimailig. Sa ganitong paraan ay hindi raw makakalimutan ng mga bata ang eskwelahan.

“Sa ganitong pamamaraan, kahit papaano… makakapag-aral ang mga bata. Pangalawa, ‘di nila makakalimutan ang school,” sabi ni Wilben Dañez; isang law enforcer sa kanilang bayan na may anak na 8 years old.

Magsisimula ang blended learning sa ika-5 ng Oktubre kung saan ang mga mag-aaral ay sa tahanan nila matututo ng mga leksyon sa pamamagitan ng printed at digital learning modules, online classes, telebisyon at radyo.

Imahe mula kay Jeffrey Dimailig

Loading…