Bank transfer via GCash, Instapay may charge na simula October 1

Imahe mula sa GCash Facebook
  • Magkakaroon na ng transaction fee ang bawat bank transfer gamit ang GCash at Instapay
  • Ang charge ay P15.00 kada transfer at ito ay ipatutupad na simula October 1
  • Ibabalik na rin ng ilang bangko ang dating waived transaction fee sa kaparehong petsa

Magkakaroon na ng bayad ang kada bank transfer sa pamamagitan ng GCash simula sa susunod na buwan; ito ang inihayag ng sikat na mobile wallet sa kanilang mobile application.

Ang magiging bayad ay fixed na P15.00 sa bawat bank transfer at ito ay magsisimula na sa ika-1 ng Oktubre.

“Starting October 1, 2020, a PHP15 fee will be charged per transaction,” ayon sa maikling anunsiyo ng GCash sa kanilang mobile app Help Center.

Imahe mula sa GCash

Ang GCash ay gumagamit ng Instapay upang makapag-transfer ng pera gamit ang kanilang platform patungo sa mahigit 40 bangko sa bansa.

Dahil dito, hinikayat ng GCash ang kanilang mga kliyente na i-link ang kanilang BPI at Union Bank accounts sa GCash app upang manatiling libre ang fund transfers.

Kaugnay nito, inanunsiyo rin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na hanggang September 30 na lang ang waived transaction fee ng ilang mga bangko, na ang ibig sabihin ay muling ibabalik ang bayad sa kada transaction gamit ang Instapay at PESOnet simula rin sa October 1.

Ang mga bangkong ito ay ang BDO Unibank Metropolitan Bank and Trust Co., Bank of Philippine Islands, RCBC, China Bank, Philippine National Bank, Bank of Commerce, Robinsons Bank, Philippine Savings Bank, Paymaya, GXI at China Bank Savings.

Imahe mula sa GCash

Samantala, extended naman hanggang December 31, 2020 ang waived transaction fee para sa mga bangkong Union Bank of the Philippines, Asia United Bank, Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines, Security Bank, Sterling Bank, Standard Chartered Bank at HSBC.

Wala pang katulad na anunsiyo naman ang Philippine National bank, MUFG Bank, Ltd., CTBC Bank (Philippines) Corporation at Bank of China Limited – Manila Branch.

Ang GCash at Paymaya ang dalawa sa pangunahing mobile wallet sa bansa na malaki ang naitulong sa publiko ngayong panahong ng pandemya dahil hindi na kailangang lumabas pa ng bahay ang mga tao upang magbayad ng mga bills at mga pinamili sa online stores.

Loading…