Billboard na may ‘malaking mukha’ ng NYC chairperson ipinatanggal na matapos mabatikos

Imahe mula sa Facebook post ni Cliff Barizo Jr.
  • Nabatikos sa social media ang billboard na may malaking larawan ng NYC chairperson
  • Giit naman ni Enriquez walang ginastos ang NYC sa malaking billboard na ito
  • Gayun pa man, humingi na siya ng paumanhin at ipinatanggal na ang billboard

Humingi ng paumanhin si National Youth Commission (NYC) chairperson Ryan Enriquez matapos mabatikos sa social media dahil sa isang billboard kung saan makikita ang nakalaking mukha ng opisyal.

Ang billboard ay nagpapaalala sa publiko ng mga hakbang kung paano maiiwasan ang COVID-19. Subalit mas napansin ng mga netizens ang mas malaking mukha ni Enriquez na tinawag nilang ‘epal’.

Screenshot mula sa Facebook post ni Cliff Barizo Jr.

Sa panayam ng CNN Philippines, sinabi ni Enriquez na ipinatanggal na niya ang naturang billboard na matatagpuan malapit sa entrance ng isang mall sa Pasig City. Nais lang naman daw niyang makatulong para magbahagi ng impormasyon sa madla sa gitna ng coronavirus pandemic.

“Ang objective ko lang naman ay makatulong para sa information dissemination, lalo na ngayon nabawasan ang major network na nagbabalita. Ang pagkakamali ko, ang laki ng mukha ko. Pasensya na,” ani Enriquez.

Nilinaw din ng NYC chair na walang ginastos na pera ng bayan sa billboard dahil libre ito. Aniya, negosyo ito ng kanilang pamilya at katunayan umano ay matagal na niya itong ginagawa para sa ibang organisasyon subalit walang bayad.

“Ginagawa ko rin ‘yan sa ibang organization na humihingi ng tulong na maglabas din ng public service ads sa LED. Ilang buwan na akong naglalagay ng ads ng NYC for free. Ngayon lang siguro napansin kasi ang laki ng mukha ko,” paliwanag pa ni Enriquez.

Imahe mula sa Facebook post ni Cliff Barizo Jr.

Umani ng batikos sa social media ang nasabing billboard ni Enriquez na inaakusahan ng karamihan ng pamumulitika.

“I can’t believe the audacity of Ryan Enriquez to put up a billboard that predominantly features his face rather than the actual message the agency was “trying” to convey. This is not the leadership that we the Philippine youth deserve,” ani Wilhelm Eusores sa Twitter.

Tinawag ding epal ang NYC official at pinagbibitiw pa sa kaniyang puwesto.

Para naman kay Akbayan Youth chairperson RJ Naguit, nakalulungkot umano na kahit maraming kabataan ang nawawalan ng trabaho at marami ang nahihirapan sa pag-aadjust sa online classes ay nakuha pa rin ni Enriquez na ‘magpa-pictorial’

Loading…