Bilyonaryong co-founder ng Duty Free naipamigay na lahat ng kaniyang $8 bilyong kayamanan matapos ang 4 na dekada

Imahe mula sa lovemoney.com
  • Naipamahagi na ni Chuck Feeney ang lahat ng kaniyang mahigit $8-B na kayamanan
  • Ito kasi ang naging misyon niya sa loob ng halos apat na dekada
  • Ngayon ay namumuhay na lamang sila nang simple ng kaniyang misis sa isang apartment

Makaraan ang mahigit apat na dekada, natupad na ni Charles ‘Chuck’ Feeney ang kaniyang pangarap at misyon na maipamigay ang lahat ng kaniyang kayamanan at mamuhay na lamang nang simple.

Si Chuck Feeney ang co-founder ng Duty Free kung saan nagmula ang kaniyang mahigit $8-B na kayamanan. Sa ilalim ng prinsipyong ‘Giving While Living’, ipinangako ni Fenney na uubusin niya ang lahat ng kaniyang pera bago siya mawala sa mundong ito.

Imahe mula sa NYT

Ayon sa Forbes, ipinamahagi ng pilantropo ang kaniyang pera sa mga charities sa iba’t-ibang panig ng mundo sa pamamagitan ng kaniyang foundation na Atlantic Philanthropies. Nitong Lunes, Setyembre 14, opisyal nang ‘mahirap’ si Feeney matapos maibigay ang kaniyang pinakahuling tseke.

Karamihan sa mga tumanggap ng donation ni Feeney ay mga charitable institutions sa Ireland kung saan siya ipinanganak.

Lahat ng ito ay tahimik na ginawa ni Feeney na hindi naghangad na maibalita ang kaniyang philanthropic efforts. Kamakailan lamang natuklasan ng Forbes at ng The New York Times ang kaniyang ginagawa at dahil dito ay hinangaan siya ng mga kapwa bilyonaryo tulad nina Bill Gates at Warren Buffet.

Imahe mula sa Cicero’s

“Chuck has set an example. It’s a real honor to talk about a fellow who is my hero and Bill Gates’ hero. He should be everybody’s hero,” minsan ay nabanggit ni Warren Buffet sa paglulunsad ng ‘The Giving Pledge’ nila ni Gates noong 2010.

Kadalasan ay tinatanggihan ni Feeny ang mga awards na nais ibigay sa kaniya dahil mas pinili niyang tumulong nang tahimik at bilang anonymous donor lamang.

Ayon sa Forbes, ilan sa mga naipamahagi ng 89 anyos na pilantropo ay $3.7 billion sa edukasyon, kasama ang halos $1-B sa kaniyang alma mater, Cornell at mahigit $870 million sa  human rights at social change. Nagbigay din siya ng $700 million para sa kalusugan kabilang na ang $270 million grant para maayos ang public healthcare system sa Vietnam at $176 million sa Global Brain Health Institute.

Isa sa pinakahuling donation niya ay ang $350 million para sa Cornell upang maitayo ang technology campus sa Roosevelt Island.

Imahe mula sa Financial Times

At nitong Lunes nga, pinirmahan na ni Feeney ang dokumentong opisyal na magsasara sa Atlantic Philantropies matapos ang ilang dekada.

Aniya, “We learned a lot. We would do some things differently, but I am very satisfied. I feel very good about completing this on my watch. My thanks to all who joined us on this journey. And to those wondering about Giving While Living: Try it, you’ll like it.”

Ngayon ay nakatira na lamang ang dating bilyonaryo sa isang payak na apartment sa San Francisco kasama ang kaniyang misis. Sila ay namumuhay nang simple mula sa mahigit-kumulang na $2-M na kaniyang inilaan para sa kanilang retirement.

Loading…