Bong Revilla mamimigay ng tablets sa 1,000 kabataan para sa kaniyang kaarawan

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Bong Revilla
  • Mamimigay ng 1,000 tablets si Senador Bong Revilla Jr. sa mga kabataan
  • Ito ay bahagi ng kaniyang pasasalamat sa darating na kaarawan ngayong buwan
  • Nag-iwan din ng mensahe ang senador para sa kaniyang mga bashers

Mamamahagi ng libreng tablets si Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. bilang bahagi ng kaniyang pasasalamat sa darating niyang kaarawan ngayong buwan.

Si Revilla ay magdiriwang ng kaniyang ika-54 na kaarawan sa Setyembre 25 subalit maglulunsad umano siya ng isang game show ilang araw bago pa man sumapit ang takdang araw. Doon ay magsisimula siyang mamigay ng 10-inch na tablet sa mga estudyante.

Screenshot mula sa Facebook post ni Sen. Bong Revilla

“Ito po yung programa natin para makatulong tayo sa mga kabataan, mamimigay po tayo ng tablet at kung sino yung 1,000 na matutulungan natin,” ani Revilla.

Wala pang opisyal na mechanics na inanunsiyo ang mambabatas subalit hinihikayat ng kaniyang social media post na mag-subscribe lamang sa kaniyang Facebook account, You Tube channel at Instagram.

“Tapos may mga regalo pa tayo sa mga sponsors, mga kaibigan natin. Ito’y malaking bagay para sa ating mga kabataan at makakatulong,” wika pa nito.

Ibinahagi rin ng mambabatas na kumikita na ang kaniyang mga social media pages at ang kita mula rito ay gagamitin niya para ipambili ng regalo.

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Bong Revilla

“At ‘yun po ay idadagdag din natin sa mga ipapa-raffle natin. Malaki na rin ‘yun, I think more than 10,000 dollars,” ayon pa sa senador.

Nagpasalamat din ang actor-politician sa kaniyang mga tagasuporta na nag-alay ng dalangin para sa kaniyang paggaling matapos dapuan ng COVID-19 noong nakaraang buwan.

Para naman sa kaniyang mga bashers, aniya, “Pinapatawad ko na po kayo. Wala po sa akin ‘yun. Alam ko pong trabaho lamang yan, may nagpapa-bash para sa akin. Pero okay lang po ‘yun.”

Hinikayat din ng senador ang mga kasalukuyang nagpapagaling sa coronavirus na maging metatag at lakasan pa ang loob upang malampasan ang kanilang pinagdaraanan.

Loading…