Budget ng Office ng Vice President posibleng madagdagan sa 2021

  • Dagdagan ang budget ng OVP para sa 2021 – Iyan ang panawagan ni VP Leni
  • Tinitimbang ng mga kongresista ang posibilidad na madagdagan pa ang budget ng Office of the Vice President
  • May posibilidad namang maisakatuparan ito

Tinitimbang ng mga kongresista ang posibilidad na madagdagan pa ang budget ng Office of the Vice President o OVP sa taong 2021, na tinatayang aabot na sa 1 bilyong piso, upang mas maraming resources ang tanggapan upang makabuo ng mga proyektong makatutulong sa pag-iisip ng solusyon kung paano malulunasan ang mga suliraning kaakibat ng pandemya.

Mismong ang Pangalawang Pangulo na si Leni Robredo ang dumepensa sa House Committee on Appropriations nitong Lunes, Setyembre 14, 2020, upang mapagbigyan ang kanilang hiling na madagdagan ang kanilang budget upang mas marami pang magawa sa pagtulong para sa mga nangangailangan.

Public Domain Image

720 milyong piso ang hiling ni VP Leni bilang budget nila para sa 2021, subalit 679 milyong piso lamang ang inaprubahan at ibinigay ng Department of Budget and Management sa ilalim ng National Expenditure Program.

Subalit iminungkahi naman ni Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez na dagdagan ng 10% ang OVP budget. Sinabi naman ni Baguio City Representative  Mark Go at Bayan Muna Representative Ferdinand Gaite na doblehin na lamang ito, o paabutin man lamang sa 1 bilyong piso.

“It would help us greatly if we are given more. That would mean we are able to serve more people and communities,” ayon naman kay VP Leni nang mabalitaan ito.

Ayon naman kay Camarines Sur Representative Gabriel Bordado, ironic na maituturing kung ang OVP ay makakakuha ng pinakamaliit na budget allocation gayong ang tanggapan nito ang nakakakuha ng pinakamataas na ratings mula sa Commission on Audit o COA.

Aktibo ang OVP sa iba’t ibang mga gawain at programang nagbibigay ng tulong sa mga naapektuhan ng pandemya, gaya ng pamamahagi ng mga face masks, face shields, at personal protective equipment, libreng shuttle services para sa mga frontliners, at dormitoryo para sa mga health workers.

Public Domain Image

Nagpaabot din sila ng tulong sa mga mag-aaral at guro para maisagawa ang distance learning. Inilunsad din nila ang “Bayanihanapbuhay” na tutulong sa mga Pilipinong nawalan o tinanggal sa trabaho upang makahanap pa ng job opportunities online.  Sila rin ang nagsusulong ng programang “Angat Buhay.”

Isinasapinal pa ng mga mambabatas ang magiging budget para sa 2021 budget sa pamamagitan ng mga plenary debates.

Loading…