Bus driver na may COVID-19 sa garahe lang naka-quarantine, hindi pina-swab test ng employer

Screenshot mula sa GMA video
  • Bus driver na nagkaroon ng sintomas ng COVID-19 hindi pina-swab test ng employer
  • Inilagay sa isang hiwalay na lugar ang driver sa loob lang ng garahe ng mga bus
  • Hindi rin sinagot ng employer ang pagkain niya habang naka-isolate

Nagreklamo ang isang bus driver sa ginawang kapabayaan sa kanya ng kanyang employer. Sa kabila umano ng mga sintomas ng COVID-19 na naramdaman niya ay hindi siya ipina-swab test at inilagay lang sa isang lugar sa loob ng garahe para ma-isolate.

Screenshot mula sa GMA video

Ayon kay Estanislao Oxales, simula nang unang mag-lockdown noong March ay pinaghahatid-sundo sila ng mga health frotntliners. Hindi man lang daw sila isinailalim kahit sa rapid tests.

“Mula po nung pag-lockdown, kami po ay pinadala para mag shuttle, mag hatid-sundo ng mga health worker katulad ng nurse at iba pa. Mula March 19 hanggang May 1 umuwi na po kami ng garahe at nanatili po kami sa loob ng garahe at wala pong pagsusuri sa amin kahit rapid test man lang. Lahat kami hinalo doon sa loob ng garahe na may mga tao doon,” ani Oxales.

Kalaunan ay nagkaroon na si Oxales ng mga COVID-19 symptoms. Ang ginawa raw ng kumpanya – ang Fermina Express – ay inihiwalay siya sa mga kasamahan at in-isolate sa loob din ng garahe.

“Doon na ako inuubo, sinisipon, at nanghihina. Inabot pa po ako ng July 10, kasi hinintay ko pa po ‘yung sahod… Hanggang nilalagnat na po ako nang gabi na ‘yun. At nagdesisyon na po sila na i-isolate po ako dito sa isang lugar na ako lang at dahil lahat ng sintomas ay nasa akin sa COVID-19,” aniya.

Screenshot mula sa GMA video

Kahit humiling siya ng swab test ay hindi raw iyon ginawa ng kanyang employer. Maging ang pagkain niya habang naka-quarantine na ipinangako sa kanya ng Officer-in-charge ng kumpanya ay hindi rin tinupad.

“Kahit isang kilong bigas wala hong naibibigay sa akin ang kumpanya. ‘Yun ho ang pangako nila sa akin. At pagdala po nila sa akin dito ng July 10, hirap na hirap na po ako huminga nang panahon na iyon. As in wala na po akong maisip at itinawag ko na po sa aking pamilya sa Bataan,” anang bus driver.

Nang hindi na makatiis ay tumakas sa garahe si Oxales upang siya na mismo ang kusang nagpa-checkup sa isang clinic. Pinayuhan umano siya ng doktor na magpa-swab test. Lumabas sa resulta ng test na positibo siya sa COVID-19.

Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Undersecretary Nikki Tutay ay isang paglabag ang ginawa ng Fermina Express sa joint order ng DOLE at Department of Trade and Industry hinggil sa COVID-19 response sa workplaces.

Screenshot mula sa GMA video

“’Yan po ay clear violation ng existing guidelines ng DOLE at ng DTI. Ang nais po natin ay ma-halt natin o mahinto natin ‘yung spread ng COVID-19 at kailangan po natin ng kooperasyon ng employer at ng ating worker,” sabi ni Usec. Tutay.

“Malaking kalapastangan po ‘yan sa karapatan ng ating manggagawa lalo na po dito sa panahon ng COVID-19 pandemic. So, the more po na kailangan nating mapuntahan ‘yang employer na ‘yan at siguraduhin po na sila po ay sumusunod po sa patakaran ng DOLE at DTI,” aniya.

Paiimbestigahan  ng DOLE ang Fermina Express habang si Oxales naman ay dadalhin sa isang quarantine facility sa Quezon City Health Office.

Loading…