Cayetano maaaring manatiling Speaker hanggang Disyembre dahil sa budget issue –  Palasyo

Imahe mula sa Facebook- Rep. Cayetano
  • Maiintindihan ni Pangulong Duterte kung bakit kailangang manatili ni Cayetano bilang Speaker hanggang Disyembre
  • Ito ay dahil umano sa usapin ng budget na kailangang maaprubahan kaagad sa mas laong madaling panahon
  • Dati nang sinabi ng Palasyo na umaasa ang Pangulo na tutuparin nina Cayetano at Velasco ang kanilang ‘gentleman’s agreement’

Maaaring manatili sa kaniyang puwesto bilang Speaker of the House hanggang Disyembre si Rep. Alan Peter Cayetano dahil sa usapin ng budget; ito ang ibinahagi ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Maiintindihan naman umano ni Pangulong Rodrigo Duterte kung bakit kailangang i-extend pa ni Cayetano ang kaniyang termino bilang lider ng Kamara ng ilang buwan sa kabila ng ‘gentleman’s agreement’ nila ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Rep. Velasco at Speaker Cayetano| Imahe mula sa Head Topics

“Kung magkagulo naman po, sana ay after the budget ‘no. Kasi sa original agreement naman, si Speaker Cayetano should be there until October,” ani Roque sa panayam ng CNN Philippines.

Magugunitang nagkakagulo sa Kamara ang ilang kongresista dahil sa isyu ng hindi umano patas na hatian ng DPWH budget allocations na lumalabas na mas pabor sa mga mambabatas na kakampi ni Cayetano.

Ibinulgar pa ni Negros Oriental 3rd Dist. Rep. Arnolfo Teves Jr. na P8-B ang mapupunta sa Taguig City habang P11.8-B naman umano ang nakalaan sa Camarines Sur. Ang Taguig City ay balwarte ni Speaker Alan Cayetano habang ang Camarines Sur naman ay ang probinsiya ni Deputy Speaker Luis Raymund Villafuerte ng 2nd District na kaalyado ng Speaker.

Imahe mula sa HoR-Facebook

Nadawit din sa bangayan ng mga mambabatas ang tungkol sa pinag-aagawang Speakership sa pagitan nina Cayetano at Velasco.

“But the president also in that same occasion told me na naiintindihan niya kung kinakailangang hanggang Disyembre siguro ‘no dahil nga doon sa issue ng budget,” dagdag pa ni Roque.

Nauna nang sinabi ng Palasyo na umaasa si Pangulong Duterte na tutuparin nina Velasco at Cayetano ang kanilang napagkasunduan.

Ganunpaman, ipinauubaya na rin umano ng Pangulo sa desisyon ng mga kongresista ang magiging kapalaran ng Speakership deal lalo pa’t tila mas pabor ang karamihan na manatili sa kaniyang puwesto si Cayetano.

Loading…