Cesar Mancao itinalaga bilang cybercrime center chief ng DICT

Imahe mula sa Journal Online
  • Itinalaga si Cesar Mancao bilang hepe ng isang ahensiya sa ilalim ng DICT
  • Siya ang bagong pinuno ng Cybercrime Investigation and Coordination Center
  • Ang kontrobersiyal na dating police colonel ay nasangkot noon sa dalawang malalaking kaso

Itinalaga ang dating pulis na si Cesar Mancao bilang bagong hepe ng isang ahensiya sa ilalim ng Department of Information and Communication Technology (DICT) na mangangasiwa sa cybersecurity; ito ang kinumpirma ng Malakanyang nitong Miyerkules.

Sa isang pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, sinabi nitong hinirang si Mancao bilang Executive Director V ng Cybercrime Investigation and Coordination Center ng DICT.

Imahe mula sa DICT

“We are confident that Mr. Mancao’s professional credentials would contribute to cybercrime prevention in the country. We wish him good luck in his new assignment,” ani Roque.

Hindi pa opisyal na isinasapubliko ng Palasyo ang appointment papers ng dating police colonel.

Si Mancao ay dating hepe ng Presidential Anti Organized Crime Task Force (PAOCTF) for Luzon noong panahon ni dating Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada.

Mancao| Imahe mula sa PNA

Siya ay nasangkot sa dalawang kontrobersiyal na kaso – ang Kuratong-Baleleng at Dacer-Corbito case –  kasama ang ngayo’y senador na si Panfilo ‘Ping’ Lacson. Ang mga alegasyong ito ay mahigpit na pinabulaanan ng dating pulis.

Dahil dito, napilitang umalis ng Pilipinas si Mancao at magtago sa ibang bansa sa loob ng ilang taon. Noong 2013 habang nakakulong, tumakas si Mancao sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI).

Makaraan ang apat na taon, sumuko na rin siya sa PNP noong Enero 2017 at muling iginiit na wala siyang kinalaman sa mga ibinibintang sa kaniya.

Loading…