Chinese coast guard wala ring natagpuan sa nawawalang crew ng Gulf Livestock 1

Imahe mula sa Wikipedia
  • Walang natagpuang crew ng Gulf Livestock 1 ang Chinese coast guard
  • Humingi ng tulong ang Pilipinas sa China, South Korea at Taiwan para mahanap ang crew ng lumubog na barko
  • Handa rin umanong tumulong ang China sa Pilipinas kapag humingi ito

Nabigo rin ang Chinese coast guard na makatagpo ng crew members ng lumubog na barko sa karagatan ng Japan mahigit tatlong linggo na ang nakararaan.

Magugunitang humingi ng tulong ang Pilipinas sa China, at maging sa Taiwan at South Korea, upang mahanap ang mga nawawala pang tripulante ng Gulf Livestock 1; 36 dito ay mga Filipino.

Sa pahayag ng Chinese embassy, sinabi nitong dalawang araw din silang naghanap subalit wala silang natagpuang crew.

Imahe mula sa Zawya

“As requested by the Department of Labor & Employment of the Philippines, the China Coast Guard has already conducted rescue operations in relevant waters to search the 36 missing crew members of Panamanian Vessel M/V Gulf Livestock…but regretfully found no trace of missing crew members,” anang Chinese embassy.

Sa kabila nito, tiniyak naman ng China na handa pa rin silang magbigay ng tulong sa Pilipinas kapag humingi ito.

“Our thoughts and prayers go out to the missing crew members. We will continue to provide necessary assistance as requested by the Philippine side and sincerely hope all of them could be found at the earliest,” dagdag pa ng embahada.

Imahe mula sa Japan Coast Guard

Ang Gulf Livestock 1 ay mayroong sakay na 43 crew members; 39 dito ay mga Pinoy habang 4 naman ang banyaga. Hanggang noong nakaraang linggo, tatlong crew lamang ang natagpuan ng Japan Coast Guard at dalawa sa mga ito ay ligtas at nakauwi na ng Pilipinas.

Unang natagpuan si Eduardo Sareno 45 anyos, isang chief officer noong Miyerkules ng gabi. Isa pang Pinoy na si Jay-Nel Rosales, 30 anyos at deck crew mula sa Cebu ang nailigtas makaraan ang dalawang araw.

Samantala, isa pang crew din ang nakitang palutang-lutang at walang malay na kinalaunan ay binawian rin ng buhay.

Loading…