COVID-19, maaaring maiwasan o malunasan gamit ang gatas ng ina

Imahe mula sa Pixabay
  • Makatutulong ang gatas ng ina na maiwasan o mapuksa ang COVID-19, batay sa pag-aaral ng mga Chinese scientists
  • Sa pag-aaral, napuksa ang SARS-CoV-2 virus nang ma-exposed sa gatas ng ina
  • Naniniwala ang DOH na maraming kabutihan ang naidudulot ng gatas ng ina

Ang COVID-19 ay posibleng maiwasan o kaya ay malunasan gamit ang gatas ng ina, ayon sa pag-aaral ng mga Chinese scientists.

Imahe mula sa Pixabay

Sinuri ng isang research team mula sa Beijing ang epekto ng naturang gatas sa mga cells na na-exposed sa SARS-CoV-2, ang virus na nagdudulot ng COVID -19.

Ang gatas na ginamit sa pag-aaral ay noong 2017 pa nakolekta; ilang taon bago ang pandemya. Samantalang ang mga cells na sinuri ay iba-iba ang pinanggalingan – sa “animal kidney cells” at sa “young human lung and gut cells.”

Ang resulta ay pareho lang: Karamihan sa living virus strains, kabilang ang SARS-CoV-2, ay napuksa ng gatas.

Ang viral attachment, entry at post-entry viral replication ay nahaharang umano ng gatas, ayon kay Professor Tong Yigang ng Beijing University of Chemical Technology, na siyang nanguna sa ginawang pag-aaral.

Batay sa kanilang eksperimento gamit ang pinaghalong gatas ng ina at cells, ang virus ay hindi nakapasok sa cells at ang mga infected cells naman ay hindi na dumami pa.

Imahe mula sa Healthline

Kaugnay nito, sinabi ng Department of Health (DOH) na magsasagawa ang ahensya ng pagsusuri hinggil sa findings na ito ng Chinese scientists.

Sinabi ni DOH Undersecretary Ma. Rosario Vergeira na matagal nang adbokasiya ng kagawaran na ipaalam sa publiko na ang gatas ng ina ay nakapagbibigay ng proteksyon sa mga sanggol laban sa ilang uri ng mga sakit.

Aniya, hindi na sila masusurpresa sa naging resulta ng pag-aaral ng mga Chinese scientists dahil matagal nang sinasabi ng DOH na maraming kabutihan ang naidudulot ng gatas ng ina.

Imahe mula sa DOH
Source :

SCMP, Inquirer

Loading…