DA tumulong sa mga Mindanao farmers na maibiyahe ang mga produkto sa Luzon, Visayas

Imahe mula sa DA Communications Group
  • Tinulungan ng Department of Agriculture ang mga magsasaka sa Mindanao na madala sa Luzon at Visayas ang kanilang mga produkto
  • Layunin ng DA na mabigyan ng kita at mabawasan ang pagkalugi ng mga farmers sa gitna ng COVID-19 pandemic
  • Dumating sa Maynila noong Sept. 1, 2020 ang unang shipment ng mga prutas mula sa Mindanao

Handang-handa na sana ang mga durian growers sa Davao Region upang mabigyan ng Good Agricultural Practice certification, ang hinihingi ng China bilang requirement sa pag-export sa kanila ng mga nasabing prutas.

Imahe mula sa Fruitnet

Ngunit dahil sa COVID-19 pandemic ay hindi natuloy ang nakatakda sanang farm visit sa Mindanao ng mga representatives ng China noong Abril. Inurong ang pagbisita noong buwan ng Agosto, subalit hindi  rin iyon natuloy dahil sa travel restrictions. Sa taong 2021 na umano itutuloy ang pagbisita.

Inaasahan pa naman na magiging maganda ang ani ngayon lalo na sa peak ng harvest season ngayong buwan ng Setyembre.

Nakipag-ugnayan ang Durian Industry Council of Davao City (DICDC) sa regional office ng Department of Agriculture (DA) upang matulungan sila na maibenta sa mga lokal na pamilihan ang kanilang produkto.

Ang DA, sa pamamagitan ng field office nito sa Region 11, ay gumawa ng hakbang upang maisakatuparan ang isang kasunduan sa pagitan ng DICDC at John Gold Cargo Forwarder para madala sa mga pangunahing pamilihan sa Luzon at Visayas ang mga prutas.

Imahe mula sa Mindanao Daily Mirror

Sa ilalim ng memorandum of agreement na nilagdaan noong nakaraang buwan, labinlimang tonelada ng durian kada araw ang ibibiyahe mula Davao hanggang Maynila sa presyong P35 kada kilo lang simula September 1 hanggang October 1, 2020.

Sinalubong ni DA Undersecretary for Regulations and Infrastructure Engr. Zamzamin Ampatuan ang inisyal na shipment ng mga prutas noong September 1 sa Ninoy Aquino International Airport.

“We can call this the durian flight,” ani Ampatuan dahil ang malaking bahagi ng initial fruit shipment ay mga durian.

Imahe mula sa DA Communications Group

“We are excited about this because it is an opportunity that will benefit the farmers, producers, and traders. We can serve the market and widen the opportunity for farmers to sell their produce with lower cost for cargo,” dagdag pa niya.

Umaasa naman si DA Undersecretary for High-Value Crops and Rural Credit Evelyn Laviña na maeengganyo ang iba pang mga farmers at shippers na gumamit ng air cargo para sa pagbibiyahe ng mga agricultural products.

Loading…