Dalawa pang Pasig River Ferry stations muling binuksan ng MMDA

Imahe mula sa PRFS Facebook
  • Nagbukas na ang dalawa pang PRFS ferry station sa Mandaluyong at Maynila para sa piling pasahero muna
  • Dahil dito, walong ferry stations na sa Kamaynilaan ang nagseserbisyo
  • Nagbibigay ng libreng sakay ang Pasig Ferry para sa mga health workers at frontliners

Makaraan ang mahigit anim na buwan, muling binuksan ng Metro Manila Development Authrotiy (MMDA) ang dalawang Pasig River Ferry Service (PRFS) stations nitong Lunes, ika-28 ng Setyembre.

Kabilang sa muling magbubukas ay ang Hulo Ferry Station sa Mandaluyong, at Sta. Ana Ferry Station sa Maynila. Dahil dito, walong ferry stations na ang nagbukas at muling magseserbisyo sa mga piling pasahero.

Screenshot mula sa PRFS Facebook

Subalit, nagpaalala naman ang MMDA na mga  authorized persons outside residence (APOR) lamang ang maaaring sumakay sa ferry dahil nasa general community quarantine pa ang Kamaynilaan.

Maaari ring makakuha ng libreng sakay ang mga health workers at frontliners sa mga ferry station basta maipakita lamang ang kanilang mga IDs.

“We hope that this effort will be helpful for our health workers and government employees in their transportation needs going to their respective workplaces,” ayon kay MMDA chairman Danilo Lim.

Imahe mula sa PRFS Facebook

Maliban sa dalawang nabanggit na nagbukas ngayong Lunes, nagseserbisyo na rin ang Guadalupe Station, Escolta Station, Valenzuela Station, Lawton Station, Pinagbuhatan Station, at San Joaquin Station. Sila ay bukas Lunes hanggang Sabado, mula 6:00 am hanggang 7:00 pm.

Mahigpit ding ipinatutupad ang health protocol para sa mga pasehero tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield at physical distancing.

Hindi naman papayagang makasakay ang may mga ubo, sipon at may body temperature na mataas sa 37.5 degrees Celsius at yaong may edad na 21 pababa at 59 pataas.

Loading…