DBM kinansela na ang P727-M kontrata ng isang PPE supplier dahil sa overpricing, delayed delivery

Imahe mula sa Official Gazette
  • Kinansela na ng DBM ang kontrata ng isang PPE supplier dahil sa overpricing
  • Umabot sa P727-M ang nabanggit na kontrata ng kumpanyang blacklisted
  • Tiniyak naman ng DBM na walang advance payment silang ibinigay sa supplier

Kinansela na ng Department of Budget and Management (DBM) ang kontrata ng isang supplier na dating napaulat na ‘blacklisted’ subalit nakakuha pa rin proyekto sa gobyerno.

Sa ginanap na budget hearing sa Senado nitong Lunes, inamin ni Budget Undersecretary Lloyd Christopher Lao na kinansela na nila ng P727-M na kontrata ng Ferjan Health Link Philippines, Inc. na nakatakda sanang magsupply ng PPEs sa mga ahensiya ng gobyerno.

Subalit inamin din ng opisyal na nitong Biyernes lang nila kinansela ang nabanggit na kontrata.

DBM USec Lao| Imahe mula sa PCOO

Ayon kay Lao, delayed delivery at overpricing ang pangunahing dahilan na nagtulak sa DBM para ‘wag nang ituloy ang kontrata.

“The trigger was their delayed delivery…and the changes in the prices that we initially entered into were significantly higher compared with those available in the market. We canceled on their delay,” paliwanag ng DBM official.

“We considered the delay of delivery and the fact that we can purchase it with a new supplier given the new market prices. We can buy the same number of PPEs at a cheaper price,” wika pa ni Lao.

Ang Ferjan Health Link Philippines, Inc. ay nakatakda sanang mag-supply ng 500,000 sets ng PPE sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa loob ng 45 na araw simula nang lumabas ang purchase order (PO).

For illustrative purposes only| Imahe mula sa LA Times

Ang presyo ng bawat set ay umabot sa P1,455 na kinabibilangan ng shoe cover, sterile gloves, apron, clean gloves, coverall, head cover at gown.

Nadiskubre din umano nila base sa datos ng Securities and Exchange Commission (SEC) na ang stockholder ng Ferjan, Inc. ay siya ring may-ari ng Ferjan Enterprise na isang sole proprietorship.

Tiniyak naman ni Lao sa mga senador na wala silang inilabas na advance payment kaya wala umanong nawaldas na pera ng bayan.

Ang Ferjan Health Link Philippines, Inc  ay isa sa tatlong kumpanya na pawang blacklisted ng DBM dahil sa kabiguan nitong tuparin ang nasasaad sa mga dating kontrata nito sa gobyerno subalit nakakuha pa rin ng mga bagong projects sa pamahalaan ngayong panahon ng pandemya.

Loading…