Demolisyon ng mga obstruksyon sa bangketa sa Port area may kinalaman sa peace and order sa lugar?

Screenshot mula sa video ni Junriel Llander via YouTube
  • Nagsagawa ng demolition operation ang Manila Department of Public Safety sa Port Area
  • Halos sakupin na ang mga ilegal na istruktura ang buong kalsada sa Railroad Drive at 12th harbor Street
  • Bukod sa pag-alis ng mga obstruksyon ay makatutulong din sa peace and order ng lugar ang ginawang demolisyon

Nagsagawa ng demolition operation laban sa mga istrukturang sumakop na sa kalsada sa Port Area sa Maynila noong Huwebes, ika-10 ng Setyembre.

Screenshot mula sa video ni Junriel Llander via YouTube

Ang mga sari-saring tindahan at barong-barong sa bangketa sa Railroad Drive at sa 12th Harbor Street kung saan halos sakupin na ng mga illegal structures ang buong kalsada ay pinagbabaklas ng mga tauhan ng Manila Department of Public Safety dakong alas-nuwebe ng umaga.

Habang isinasagawa ang demolisyon ay nakabantay naman sa mga lagusan ng lugar ang mga tauhan ng Manila Police Department at Special Mayor’s Reaction Team na pinamumunuan ni Maj. Rosalino Ibay.

Ayon kay Maj. Ibay, karamihan ng mga may-ari ng mga tindahang giniba ay mga residente ng Baseco sa Tondo at ng Greenhills sa San Juan City. Ang mga tindahan nila sa Port Area ay ginawa na umanong bodega at ang kalsada ay sinakop para mai-display ang mga paninda.

Ang demolisyon ay makatutulong din umano para sa peace and order sa lugar.

Ilang araw bago ang operasyon, isang kawani ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang sinawimpalad matapos “putukan” ng dalawang salarin dahil posibleng napagkamalan itong “asset.”

Screenshot mula sa video ni Junriel Llander via YouTube

Nakita sa CCTV na pinulot ng isang babaeng vendor ang mga basyo ng bala at ibinigay sa mga salarin. Bago maka-responde ang mga awtoridad ay nakapuslit na ang mga suspek.

Sabi ni Maj. Ibay, mga taong taga-barangay ang posibleng nagbigay ng impormasyon na parating na ang mga law enforcers kaya nakatakas ang mga salarin.

Pinutol ng Meralco ang koneksyon  ng kuryente sa Railroad Drive dahil dalawa lang ang electric meters para sa 150 bahay. Inamin ng isang residente na maging ang tubig ay ilegal ang koneksyon. May isang grupo umano ang nagkokontrol sa paninigil ng tubig sa mga kabahayan doon.

Sabi ni Maj. Ibay, hindi siya naniniwala na walang alam ang mga barangay officials sa mga ilegal na nangyayari sa kanilang nasasakupan.

Screenshot mula sa video ni Junriel Llander via YouTube
Source :

Philstar, ABS-CBN

Loading…