Dennis Padilla may mensahe kay Jay Sonza kaugnay sa ‘pagbubuntis’ ni Julia

Mga imahe mula sa IMDB/Facebook
  • May mensahe si Dennis Padilla kay Jay Sonza kaugnay sa napabalitang nagdadalantao daw si Julia Barretto
  • Si Jay ang nagpost sa Facebook tungkol sa pagiging buntis daw ni Julia at si Gerald Anderson ang ama
  • Wala namang balak magsampa pa ng reklamo si Dennis laban sa broadcaster

May mensahe si Dennis Padilla para kay jay Sonza matapos ‘ibulgar’ ng huli sa kaniyang Facebook post na diumano’y ‘on the way’ na ang anak ng komedyante na si Julia Barretto.

Magugunitang nagpost si Jay sa kaniyang social media account na binabati ang kaniyang ‘kapitbahay sa Congressional Village, Bahay Toro, Quezon City’.

“Napatunayan nina Visoy (visayan tisoy) Gerald Anderson at anak nina Dennis Padilla at Marjorie na si Julia Barretto na kapuwa hindi sila baog. After months of love lockdown and ESQ (exact s*x quadrant) – may nabuo sa sinapupunan ni Julia,” ayon pa sa post ng kontrobersiyal na media personality.

Screenshot ng Facebook post ni Jay Sonza

Kinalaunan ay tinanggal din ni Jay ang kaniyang post at humingi na ng paumanhin kina Julia at Gerald dahil sa kaniyang pagkakamali.

Ayon naman kay Dennis, si Ruffa Gutierrez ang unang nagtanong sa kaniya kung totoo nga ba ang tsismis. Sagot naman umano niya “…Hindi siguro dahil kung totoo iyan, magte-text din naman sa akin ‘yan na ‘Papa I’m pregnant.’ Wala eh.”

Bukod dito, nakita niya rin umano ang larawang ibinahagi ng kaniyang anak sa Instagram kaya alam niyang hindi nga totoo ang balita.

Imahe mula sa IMDB

“Ang gusto kong sabihin kay Kuya Jay, ‘Kuya Jay, bago ka sana nag-comment ng ganun, sana tinawagan mo naman ako o kaya tinanong mo kay Marjorie o kaya mag-text ka sa kung sino man ang malapit kay Julia para malaman kung totoo or hindi,’” ayon kay Dennis sa panayam ng ABS-CBN News.

“Kasi parang ang pagkabitaw ni Jay Sonza, parang casual. Hindi siya news type. Siguro ang kulang ni Kuya Jay doon is coordination sa mga magulang at sa bata,” bahagi pa ng komedyante.

Wala na rin daw silang plano na magsampa pa ng reklamo laban sa beteranong broadcaster lalo pa’t magkaibigan naman sila.

Screenshot ng Instagram post ni Julia Barretto

“Hindi na siguro kasi lalaki namang kausap si Kuya Jay. Mag-uusap na lang kami, tawagan and kung kailangan may mag-apologize, apology lang siguro,” ani Dennis.

Inamin din ni Dennis na hindi pa sila nag-uusap ni Jay tungkol dito dahil busy sila sa kaniyang teleserye.

Maging si Julia ay hindi pa rin daw niya nakakausap. Nirerespeto naman daw ni Dennis ang privacy ng kaniyang anak dahil malaki na ito at isang ‘responsible adult’.

Kung hihingi lang umano sa kaniya ng advice si Julia ay saka lang siya magbibigay ng payo dito.

Loading…