DepEd gagastusin ang budget ng DENR sa Manila Bay para sa gadgets at printing ng modules kung sa kanila napunta ito

  • Nagbigay ng reaksyon si DepEd Secretary Leonor Briones sa milyong pisong budget ng DENR para sa clean-up program ng Manila Bay
  • Kung sakaling napunta umano sa DepEd ang naturang budget, tiyak na marami na silang gadgets na naipamahagi sa mga mag-aaral at guro na maaaring magamit sa online class
  • Nilinaw ni Briones na hindi nila pinakikialaman ang budget ng may budget; iginagalang daw nila ang alokasyon ng Pangulo at DBM na kanilang pinagkakasya

Tahasang sinabi ni Department of Education o DepEd Secretary Leonor Briones na kung sakaling napunta sa kanilang departamento ang nakalaang budget ng Department of Environment and Natural Resources o DENR sa pagpapaganda ng Manila Bay, tiyak na ilalaan nila ito sa pagbili ng mga gadgets at print modules bilang paghahanda para sa nalalapit na pagbubukas ng mga klase sa Oktubre, sa pamamagitan ng blended/distance learning.

Ayon kay DepEd Secretary Briones sa isang virtual press briefing noong Lunes, Setyembre 7, 2020, “Kung, halimbawa, may 389 million pesos na ibibigay ang pamahalaan sa departamento, sigurado ako na malaking bahagi riyan ay mapupunta sa, halimbawa, sa pangangailangan ng gadgets.”

Public Domain Image

Malaking bagay na raw ang budget na ito upang makapagpalimbag ng mga self-learning modules na gagamitin ng mga mag-aaral na hindi kakayanin ang pagdalo sa mga online class dahil sa kakulangan ng device o gadget gayundin ng pambili ng internet connection.

Nilinaw naman ng kalihim na hindi sila nakikialam sa budget ng may budget. Kung ano raw ang alokasyong ibinigay sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte at Department of Budget and Management o DBM, iyon ang pinagkakasya nila para sa paghahanda sa nalalapit na pasukan.

Matatandaang iniurong ni Briones ang pagbubukas ng mga klase mula Agosto 24, 2020 patungong Oktubre 5, 2020 upang mas makapaghanda pa ang departamento at matiyak na magiging maganda ang daloy ng bagong modality sa pagtuturo, ayon na rin sa hinihingi ng kalagayan ngayon.

Marami sa mga grupong makakalikasan, opisyal ng pamahalaan, at mga mamamayan sa iba’t ibang sektor ng lipunan ang tutol sa paglalagay ng artipisyal na puting buhanging gawa sa crushed dolomite rocks sa baywalk bilang bahagi ng Manila Bay clean-up program. Tila raw pag-aaksaya ito ng pera lalo’t maaari umano itong ilaan muna sa pagresolba laban sa pandemya.

Public Domain Image

Katwiran naman ng DENR, bago pa man dumating o mangyari ang pandemya, nakalaan na ang budget nito sa naturang proyekto. Kung may departamento raw na kailangang kalampagin, ito ay walang iba kundi ang Department of Health o DOH.

Loading…