DepEd nilinaw ang isyu hinggil sa isang module na may “malisyosong” mga pangalan

  • Kinondena ng DepEd ang kumakalat na larawan ng pahina mula sa isang learning module
  • Gumamit kasi ito ng mga malisyosong pangalan sa isang tanong
  • Nilinaw ng DepEd na hindi ang mga guro sa pampublikong paaralan ang gumawa nito

Pinag-usapan ng mga netizen ang kumakalat na larawan ng pahina mula sa  isang learning module kung saan pinuna ng nagbahaging concerned netizen ang tila malisyosong paggamit ng mga pangalan ng tao sa isang situational question sa naturang kagamitang panturo, na sa wari ba’y nagamit na dahil may pagwawasto na.

Makikita sa Facebook post ni “Reyson Lee” ang kuhang larawan ng pahina mula sa naturang learning module, na ayon sa kaniya ay ipinadala raw sa kaniya ng kapatid na babae na isang menor de edad, at nag-aaral sa isang private Catholic school. Agad na itinag ng netizen ang Department of Education o DepEd upang maipahatid ang kaniyang karaingan.

Imahe mula sa Facebook account ni Reyson Lee

“So my sister (who is a minor) sent me some situational questions from her module and I saw this. Seriously? Dirty names in the choices? (binanggit niya ang DepEd Philippines). PS. My sister is just 16 and she’s enrolled in a Private Catholic School,” ayon sa kaniyang post.

“PPS. I’m not blaming DepEd for this. I only mentioned the page to raise awareness about the content with double meaning.”

Makikita kasi sa naturang tanong ang mga pangalang “Pining Garcia,” “Abdul Salsalani,” “Malou Wang,” at “Tina Moran” na tila may “double meaning.”

Sa kanilang opisyal na pahayag sa Facebook page nitong Setyembre 25, 2020, agad na nilinaw ang DepEd na hindi gawa ng mga guro ng kanilang kagawaran ang naturang learning module. Hindi kasi direktang saklaw ng DepEd ang mga kagamitang panturo na inihahanda ng mga pribadong paaralan o institusyong akademiko.

“Nais ipabatid at linawin ng Kagawaran ng Edukasyon na ang kumakalat na viral na larawan ng pahina ng modyuls na naglalaman ng ‘di kaaya-ayang paggamit ng ilang salita ay hindi nagmula at hindi inilimbag ng Kagawaran. Base sa aming imbestigasyon, ang malisyosong modyul ay nanggaling sa isang catholic school sa Zambales,” anila.

Imahe mula sa Facebook page ng DepEd/ Public Domain Image

“Ang mga kagamitang pang-edukasyon sa mga pampublikong paaralan ay dumaraan sa masusing proseso upang matiyak ang kalidad nito sa tulong ng aming education specialists. Dagdag pa rito, ang aming modyuls ay hindi pa pormal na nagagamit ng mga mag-aaral sapagkat magsisimula pa lamang ang pamamahagi nito sa pagbubukas ng klase sa Oktubre 5.”

“Gayumpaman, ang ganitong uri ng maling gawain ay walang puwang sa anomang kagamitang pang-edukasyon ng Kagawaran, pampubliko man o pribado. Makaaasa ang publiko na gagawin ng DepEd ang mga legal na hakbang upang tugunan ang kamaliang ito.”

“Sa tulong ng Republic Act 11476 o ang GMRC and Values Education Act, patuloy na isinusulong ng DepEd ang kagandahang-asal at tamang pag-uugali hindi lamang sa aming mag-aaral, kundi maging sa bawat kawani ng aming basic education institutions,” pagtatapos ng opisyal na pahayag.

Nagpasalamat naman si Lee sa agarang pag-aksyon ng DepEd hinggil dito, na makikita sa kaniyang hiwalay na Facebook post.

Loading…