‘Di puwedeng mapromote sa 3-star’: Cascolan nilinaw ang pahayag tungkol sa posibleng promotion ni Sinas

Screenshot mula sa YT video ng ANC
  • Cascolan nilinaw ang naging pahayag tungkol sa posibleng promotion ni Gen. Sinas
  • Puwede lamang daw ma-promote ng posisyon si Sinas subalit hindi ng ranggo
  • Ganito rin ang pananaw ni Napolcom chief at Interior Sec. Eduardo Año

Ilang araw matapos sabihing malaki ang posibilidad na ma-promote si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Debold Sinas, tila kumambiyo rito si Philippine National Police chief Gen. Camilo Cascolan.

Magugunitang sinabi ni Cascolan dati na lahat ng opisyal ng PNP ay karapat-dapat namang mapromote lalo na umano si Sinas na maganda ang naging performance bilang hepe ng NCRPO.

PNP chief Gen. Cascolan| Imahe mula sa Facebook

“We have to evaluate him properly. The guy deserves also an evaluation and of course, a promotion, too,” wika ni Cascolan sa isang panayam.

Subalit nitong Biyernes, ipinaliwanag ng PNP chief na puwede lamang mapromote ng posisyon si Sinas subalit hindi ang kaniyang ranggo.

“Dalawa po kasi ang klase ng promotion. Promotion sa posisyon at promotion sa ranggo. Hindi nga ho talaga pwedeng ma-promote sa three star si General Sinas pero ang sinsasabi ko po everybody deserves to be promoted to the next higher rank for as long as he has been competent at saka ang isang tinitingnan natin ay seniority,” ani Cascolan.

Si Sinas ay nakatakda nang magretiro sa serbisyo sa Mayo sa susunod na taon.

Sa ilalim ng Republic Act 8551 o ang Philippine National Police Reform and Reorganization Act of 1998, ang sinumang opisyal ng PNP na may kulang sa isang taon na lamang ang natitira sa serbisyo bago sapitin ang retirement age na 56 years old ay hindi maaaring mapromote sa susunod na ranggo.

Gen. Sinas| Imahe mula sa PNA

Ito rin ang naging pananaw ni Interior Secretary Eduardo Año na kasalukuyang chairperson ng National Police Commission (NAPOLCOM).

“PMGen Debold Sinas is no longer eligible for promotion to a 3-star rank or occupy a 3-star position because RA 8551 prohibits the promotion of any officer if he has less than one year prior to his day of retirement except for the Chief PNP position,” ani Año sa panayam ng Inquirer.

Gayunpaman, maaari pa rin umanong mahirang si Sinas bilang susunod n PNP chief sa kabila nito, ayon kay Año.

Si Sinas ay umani ng batikos sa social media matapos masangkot sa kontrobersiyal na ‘mañanita incident’ sa kaniyang kaarawan noong Mayo habang naka-lockdown ang buong Metro Manila.

Loading…