DILG nagsimula nang mag-hire ng 50,000 bagong contact tracers; P18K/buwan minimum na sahod

Imahe mula sa COVID-19 World News
  • Nagsimula nang tumanggap ng aplikasyon ang DILG para sa mga contact tracers
  • Aabot sa P18,000 kada buwan ang minimum na sahod na naghihintay sa mga matatanggap
  • Itinuturing ng DILG na isang ‘game changer’ sa COVID response ang hakbang na ito

Simula Lunes, Setyembre 14, magsisimula nang tumanggap ng aplikasyon ang Department of Interior and Local Government (DILG) para sa mga gagawing contact tracers, ayon na rin sa itinakda ng “Bayanihan to Recover as One Act” o Bayanihan 2 Law na kamakailan lamang ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang Bayanihan 2 Law ay nagbukas ng oportunidad sa karagdagang 50,000 na contact tracers na itinuturing na ‘game changer’ ng DILG sa patuloy na paglaban ng bansa sa coronavirus pandemic.

Image by PNA

“The DILG is looking for dedicated and patriotic individuals who want to join the fight against COVID-19. If you want to take an active part in defeating the pandemic, join the DILG Contact Tracing Teams!” ani Interior Secretary Eduardo Año.

Ang mga bagong contact tracers ay ikakalat sa mga Contact Tracing Teams (CTTs) ng mga LGUs sa iba’t-ibang bahagi ng bansa. Sa kasalukuyan, mayroon nang 97,400 contact tracers sa buong bansa at layon ng DILG na dagdagan pa ito hanggang sa maabot ang target na 150,000.

Imahe mula sa DILG-Facebook

Tatanggap ng P18,784 na minimum na sahod kada buwan ang maha-hire na contract tracer base sa guidelines ng DILG.

Kabilang sa kanilang magiging responsibilidad ay magsagawa ng interview, profiling, at initial public health risk assessment ng mga COVID-19 cases at kanilang identified close contacts; i-refer ang mga close contacts sa isolation facilities; magsagawa ng enhanced contact tracing sa pakikipagtulungan ng ibang ahensiya at pribadong sektor; magsagawa ng daily monitoring ng close at general contacts sa loob ng 14 araw, at gumawa ng iba pang gawaing may kaugnayan sa COVID response.

Sa mga nagnanais sumubok, ang qualifications para sa isang contact tracer ay dapat mayroong bachelor’s degree o college level sa mga allied medical course o criminology course.

Imahe mula sa DILG-Facebook

Ang mga aplikante ay kailangang may alam din sa data gathering at may background sa research and documentation; may kakayahang mag-interview ng mga COVID-19 cases at close contacts para makakalap ng data; may kakayahang magparating ng mga public health education messages, at may investigative capability.

Maaari nilang ipasa ang kanilang letter of intent, Personal Data Sheet, National Bureau of Investigation Clearance, at drug test results sa mga DILG Provincial at City Field Offices o kaya ay sa kanilang websites.

Loading…