Donnie ‘Ahas’ Nietes nagtitinda muna ng gulay habang wala pang laban dahil sa pandemya

Imahe mula sa Boxing News 24/ YT screenshot
  • Nagtitinda na muna ng gulay, bigas at kimchi si Donnie ‘Ahas’ Nietes
  • Wala raw siyang pakialam sa mga sasabihin ng tao kahit isa siyang world champion
  • Nakikipag-usap pa siya ngayon sa posibleng pagbabalik sa ring

Halos magdadalawang taon nang hindi nakayayapak sa loob ng ring si Donnie ‘Ahas’ Nietes, ang itinuturing ngayon na ‘longest reigning Filipino world champion’. Isa si Nietes sa naapektuhan hindi lamang ng umiiral na pandemya kundi ng pagsasara noong Agosto ng ALA Boxing Promotions kung saan siya nakatali.

Sa panayam kay Nietes ni sports analyst Dennis Principe, inamin ng boksingero mula Murcia, Negros Oriental na may pinagkakaabalahan siya ngayong maliit na negosyo.

Screenshot mula sa YT video ni Dennis Principe

“Sa ngayon kasi galing pa tayo sa pandemic. Hindi pa tayo nag-iisip tungkol sa boxing, nag-sideline muna ako ng kaunting negosyo,” bahagi ni Nietes.

“Nagtitinda ako ng chorizo, kimchi at mga gulay at bigas. Iyan ang pinagkakaabalahan ko during the pandemic,” wika pa nito.

Mayroon daw umano nagkukumbinsi sa kaniya ngayon na bumalik sa boksing at nakikipag-negotiate pa siya.

Screenshot mula sa YT video ni Dennis Principe

Ngayon lang daw rin siya sumubok sa ganitong negosyo dahil na rin sa umiiral na krisis at kailangan niyang kumita ng pera. Ganun pa man, hindi nahihiya si Nietes kahit pa isa siyang world champion na kilala na rin ang pangalan sa larangan ng boksing.

“I don’t care kung anuman ang sasabihin nila, nagtitinda ako ng gulay o kimchi. Buhay ko ‘to eh. Kailangan kong mabuhay, kailangan kong kumite ng pera,” giit pa ng nagkampiyon sa apat na iba-ibang weight classes.

Si Nietes, na may record na 42-1-15, ay huling lumaban noong Disyembre 31, 2018 kontra Kazuto Ioka ng Japan kung saan napanalunan niya ang bakanteng WBO junior-bantamweight title.

Imahe mula sa Philboxing.com

Ang pinakahuli niyang naitalang talo ay noon pang Setyembre 2004 laban kay Angky Angkota ng Indonesia.

Noong 2014, nalamapasan niya ang record ni Gabriel “Flash” Elorde para maituring na longest-reigning Filipino boxing world champion.

Isa rin si Nietes sa tatlong boksingerong Asian na unang nagkaroon ng world titles sa apat na weight classes kasama ang mga kapwa Filipino na sina Manny Pacquiao at Nonito Donaire.

Panoorin ang buong interview:

Loading…