DOTr kumambiyo sa reduced distancing sa public transportation; distansya ibinalik sa 1 meter

Imahe mula sa DOTr-MRT3
  • Reduced distancing rule sa public transportation sinuspinde
  • Si DOTr Sec. Tugade mismo ang humiling na isuspinde ang bawas-distansya rule upang mabigyan ng panahon si Pangulong Duterte na magdesisyon ukol sa naturang patakaran
  • Naglabas na ng desisyon ang Pangulo na ibalik sa 1 meter ang physical distancing rule

Binawi ng Department of Transportation (DOTr) at pansamantalang sinuspinde ang pagpapatupad ng reduced distancing rule sa loob ng mga sasakyang pampubliko.

Imahe mula sa DOTr

Noong September 14, 2020 ay ipinatupad ng DOTr ang pagbabawas ng distansya sa pagitan ng mga pasahero sa loob ng public transportation. Mula sa dating 1 meter ay ginawang 0.75 meter na lang ang layo ng mga pasahero sa isa’t isa.

Subalit marami ang kumwestyon at nagpahayag ng agam-agam sa nasabing patakaran. Pinangambahan ang muling pagsirit ng bilang ng mga new COVID-19 cases dahil sa patakarang iyon.

Kinumpirma ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang pansamantalang suspensyon ng reduced distancing rule matapos ang pakikipagpulong ng DOTr sa Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Aniya, si Pangulong Rodrigo Duterte ay maglalabas ng desisyon hinggil sa bawas-distansya rule. Hangga’t wala pang anunsyo ang Pangulo ay ibabalik sa isang metro ang physical distancing rule sa mga sasakyang pampubliko.

“Balik 1 meter muna tayo sa physical distancing sa pampublikong transportasyon habang wala pang desisyon ang Presidente kung ito nga po ay pwedeng maibaba sa 0.75 meter,” anang tagapagsalita ng Pangulo.

Imahe mula sa DOTr

Sinabi ni Roque na si DOTr Secretary Art Tugade mismo ang humiling na isuspinde ang bawas-distansya upang mabigyan ng panahon ang Pangulo na maglabas ng desisyon ukol doon.

Layunin ng reduced distancing rule na makapagsakay ng mas maraming pasahero ang mga pampublikong sasakyan. Nagbigay naman ng suhestyon ang sektor ng transportasyon na sa halip bawasan ang distansya ng mga pasahero sa isa’t isa ay payagan na lang na makapamasada ang mga jeepney, na ang karamihan ay hindi pa rin pinapayagang bumiyahe.

Sa latest announcement ng DOTr ngayong September 19, sinabi nito na nakapag-desisyon na ang Pangulo na ibalik ang 1-meter physical distancing rule sa public transportation.

Imahe mula sa DOTr

Loading…