Duterte binanatan ang oposisyon: ‘Wag kayong maniwala diyan sa mga dilawan

Screenshot mula sa RTVM Facebook video
  • Pinasaringan ni Pangulong Duterte ang mga ‘dilawan’ at oposisyon sa kaniyang pinakahuling public address
  • Hinimok nito ang publiko na ‘wag maniwala sa pinagsasasabi ng kaniyang mga kritiko
  • Iginiit din ng presidente na hindi sila nagsisinungaling sa taumbayan

Umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko na huwag paniwalaan ang pinagsasasabi at mga kritisismo ng oposisyon o mga dilawan lalo na ngayong laganap ang pandemya sa bansa.

“‘Wag po sana kayong maniwala diyan sa mga dilawan, sa oposisyon dito na hampas dito, hampas doon, kung ano pinagsasabi,” wika ng Pangulo sa ginawang televised public address nitong Lunes ng gabi.

Screenshot mula sa RTVM Facebook video

Ang ‘dilawan’, o minsan ay tinatawag ding ‘yellowtards’, ay tumutukoy sa mga tagasuporta ng nakaraang administrasyon ni dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III at karamihan ay kritiko ngayon ng Palasyo.

“For as long as the virus lives on this planet, we are in real danger,” dagdag pa ng presidente.

Anang Pangulo, hindi nakatutulong ang mga kritisismo ng oposisyon at bagkus ay nakadadagdag pa ito sa stress ng sambayanan.

“’Wag ho kayo maniwala. Dito lang. Kami dito lahat, Senator Go, Secretary Galvez, Secretary Duque, Secretary Lorenzana, Secretary Año… we did not join  government to lie,” ayon pa kay Duterte.

Screenshot mula sa RTVM Facebook video

Aniya, hindi nila trabaho ang pagsisinungaling kaya dapat ay huwag agad paniwalaan ng publiko ang sinasabi ng oposisyon.

“We do not have any obligation at all to lie, bakit kami magsisinungaling eh hindi namin trabaho ‘yan at ‘di naman kami pumasok sa trabaho para magsinungaling,” dagdag na pahayag ng Pangulo.

Madalas punahin ng oposisyon ang diumano’y kakulangan ng kasalukuyang administrasyon sa mga hakbang nito para resolbahin ang umiiral na krisis sa COVID-19.

Subalit iginigiit naman ng Malakanyang na ginagawa nila ang lahat para sugpuin ang virus at muling makabangon ang ekonomiya ng bansa.

Loading…