Duty ng kapulisan planong gawing 8 oras na lamang

Imahe mula sa PNP-Facebook
  • Nais ni PNP chief Gen. Cascolan na gawing 8 oras na lamang ang duty ng mga pulis
  • Kailangan daw na bigyan ng sapat na oras ang kapulisan na makapagpahinga at makapiling ang pamilya
  • Sa ganitong paraan umano ay mas magiging ‘efficient’ at ‘effective’ ang mga alagad ng batas

Pinag-iisipan ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Camilo Cascolan na gawing walong oras na lamang ang duty ng mga pulis mula sa kasalukuyang 12 oras. Ito ay upang bigyan umano ng sapat na panahon ang mga kapulisan na makapagpahinga at makapiling ang kanilang pamilya.

Sa ginanap na press briefing nitong Lunes, sinabi ni Cascolan na magiging malaki umano ang epekto ng ganitong hakbang sa kalusugan at katauhan ng mga pulis.

PNP chief Gen. Cascolan| Imahe mula sa PNP-Facebook

“The best way for them to perform is to have a good schedule, especially when it comes to beat patrols,” ani Cascolan sa mga mamamahayag.

Maaari umanong ipatupad ang 8-hour shift sa National Capital Region Police Office (NCRPO) na binubuo ng mahigit 27,000 personnel.

“NCRPO personnel can do eight hours duty and 16 hours off,” paliwanag ng PNP chief.

Ganun pa man, nasa desisyon  pa rin umano ng police commanders kung mananatili sa 12-hour shift ang kanilang mga tauhan subalit puwedeng dagdagan ang oras ng kanilang pahinga mula sa 16 oras at gawing 24 oras ito.

Imahe mula sa Official Gazette

Maaari rin daw na walong oras ang gugulin ng mga pulis para sa beat patrol at ang nalalabing oras ay para sa documentation tulad ng pagproseso ng mga kaso ng mga nahuling suspects.

Sinubukan nang ipatupad ni Cascolan ang 8-hour shift noong siya ay naging hepe ng NCRPO taong 2018.

Sa ganitong paraan, ayon sa opisyal, ay magiging mas ‘efficient’ at ‘effective’ ang mga alagad ng batas.

“They’ll also be able to get better rest. We know that a cop can’t last eight hours patrolling,” paliwanag pa ni Cascolan.

Loading…