Estudyante sa Isabela na dumalo sa face-to-face class nagpositibo sa COVID; mahigit 40 kaklase pinangangambahang nahawa

Imahe mula sa Education International
  • Nagdaos ng face-to-face class ang isang private school sa Cauayan City, Isabela
  • Isang estudyante ngayon ang nagpositibo sa COVID-19 na dumalo sa nasabing klase
  • Mahigit 40 katao ang pinaniniwalaang nakasalamuha ng estudyante

Pinangangambahan ngayon na nahawa ang mahigit 40 na kaklase ng isang estudyante sa Isabela na nagpositibo sa COVID-19 matapos dumalo ang mga ito sa face-to-face class ng isang eskuwelahan.

Ayon sa ibinahagi ng Cagayan Provincial Information Office sa Facebook page nito, isang pribadong eskuwelahan sa Cauayan City ang nagsagawa ng face-to-face na klase noong nakaraang linggo.

Screenshot mula sa Facebook post ng CPIO

Nitong Sabado, Setyembre 5, lamang umano lumabas ang resulta ng swab test kung saan nagpositibo sa coronavirus ang isang estudyante.

Umabot daw sa 45 katao ang nakasalamuha ng estudyante at ngayon ay isinasagawa na ang contact tracing sa mga ito. Pinaniniwalaang nahawa ang estudyante sa isang COVID-positive na empleyado ng city hall na kaniyang nakasalamuha.

Bukod sa estudyante, mahigit tatlumpo katao pa ang nakasalamuha umano ng nabanggit na empleyado.

Kinumpirma rin ito ni Mayor Bernard Faustino Dy sa panayam sa dzBB nitong Biyernes, Setyembre 11. Ayon sa alkalde iniimbestigahan na ng Commission on Higher Education (CHED) ang naturang pribadong eskuwelahan.

Imahe mula sa Facebook post ng CPIO

“Mayroon po kaming currently iniimbestigahan together with CHED dahil apparently nagkaroon ng face-to-face but it was not a normal school time, parang Sunday yata ginawa ‘yon so ito’y parang remedial class,” bahagi ni Mayor Dy.

Hindi umano pinahihintulutan ng CHED ang face-to-face class ngayon kaya pinasisiyasat na ang nabanggit na insidente.

Maaari daw ma-revoke ngayon ang lisensiya ng nasabing private school dahil sa pangyayari, ayon pa sa alkalde.

Samantala, nasa isolation facility na ang estudyanteng nagpositibo sa virus habang ipinasara na rin ng lokal na pamahalaan ang eskuwelahang nabanggit.

Loading…