Estudyanteng nakatulog habang nagre-review dahil sa relaxing music kinaaliwan

  • Kinaaliwan ng mga netizens ang isang estudyante
  • Imbes kasi na manatiling gising habang nagre-review, nakatulog siya dahil sa relaxing music
  • Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizens

Sinasabing ang musika ay wika ng kaluluwa. Marami sa mga tao ang nabubuhayan o napapakalma ang kalooban kapag nakaririnig ng musika o awitin. Nagsisilbi itong daluyan upang saglit na makalimutan ang mga iniindang sakit o negatibong emosyon.

Kagaya na lamang ng isang estudyanteng si “Rebren Carl T. Endencio” kung saan ibinahagi niya sa kaniyang Facebook post, na siya ay nagpatugtog ng relaxing music upang hindi makatulog sa pagre-review ng 5 oras. Subalit imbes raw na magising ang kaniyang diwa, wala pang 20 minuto ay nakatulog na siya.

Imahe mula sa Facebook account ni Rebren Carl T. Endencio

“Yung nagpatugtog ka ng relaxing music para maka-focus ka sa pagre-review for 5 hours,” ayon sa kaniyang Facebook post.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Hahaha, ganiyan na ganiyan din ako. Kahit na nakainom na ako ng kape, talagang nakakatulog na ako kapag ganiyan, lalo na kapag pang-spa ang relaxing music. Pero ayos din naman iyan. Kapag magre-review ka, make sure na nakatulog ka muna para maabsorb ang mga information na kailanga basahin,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Sinubukan ko po makinig ng pang-coffee house na music para makapag-focus, nakatulog lang ako hahahaha.”

“Instead of nare-relax ka, nape-pressure ka pa sa oras hahahaha,” wika naman ng isa.

Ano-ano nga ba ang benepisyo sa pakikinig ng musika kapag may ginagawa? 

Ayon sa ilang mga eksperto, nakatutulong umano ito upang maging produktibo ang isang tao. Naglilinis man sa bahay o nagtatrabaho, ang pagpapatugtog ng musika habang may isinasakatuparang gawain ay nakatutulong umano upang ganahan ang isang tao na matapos ang kaniyang task.

Pangalawa, napabubuti rin daw ang pagdaloy ng dugo sa katawan. Bukod dito, napapakalma rin nito ang ating sarili, na maaaring magdulot naman ng masayang pakiramdam.

Public Domain Image

Pangatlo, maaari din daw makaiwas sa stress dahil dito. Nagagawa rin nitong ma-ehersisyo ang ating mga utak, na maaaring bugbog na sa dami ng mga isipin.

Bagama’t marami sa atin ang nakikinig sa musika habang nagtatrabaho, nag-aaral, o maraming ginagawa, ayon naman sa pag-aaral ng ilang eksperto, ito ay maaaring magbunsod din ng distraksyon o pagkawala ng atensyon. Makabubuting piliin ang akmang musikang pakikinggan na sapat lamang upang mabigyan ka ng enerhiya na matapos ang iyong mga nakatakdang gawain.

Loading…