Estudyanteng umorder ng laptop online, tatlong bato ang natanggap

Imahe mula kay Jennylyn Perez Pulmones
  • Isang estudyante ang nabiktima ng panloloko nang bumili ng laptop online
  • Sa halip na laptop ay tatlong bato ang laman ng package na idineliver sa kanya
  • Naniniwala ang mga kaanak ng biktima na lehitimo ang online seller mula sa ibang bansa at dito na sa Pilipinas ginawa ang panloloko

Usong-uso ngayon ang pagbili ng mga pangangailangan gamit ang internet bunsod ng umiiral na pandemya, ngunit kasabay nito ang pagdami ng mga nabibiktima ng panlalamang o panloloko tulad na lang ng naranasan ng isang estudyante mula sa Iloilo.

Imahe mula kay Jennylyn Perez Pulmones

Si Arthur Baylon, isang 20-year-old 3rd year Hospitality Management student, ay umorder sa Lazada ng laptop na gagamitin sana sa kanyang online classes, subalit ang laman ng package na kanyang natanggap ay tatlong malalaking bato.

Nahihirapan si Arthur na mabawi ang ibinayad na P23,699 para sa laptop dahil gumamit siya ng Lazada wallet upang magbayad at hindi cash on delivery.

Ipina-blotter na ng kawawang estudyante sa pulisya ang pangyayari habang nanawagan naman at humingi ng tulong ang kaanak niya sa programa Raffy Tulfo In Action.

Nag-post sa social media si Jennylyn upang manawagan kay Raffy Tulfo na sana ay maaksyunan ang panlolokong ginawa sa pinsan niyang si Arthur.

Ayon sa kanya, lehitimo naman ang online seller mula sa ibang bansa batay na rin sa mga feedback mula sa ibang mga customers. Naniniwala siya na dito na sa Pilipinas nangyari ang panloloko.

Imahe mula kay Jennylyn Perez Pulmones

“Legit po talaga ang seller kahit ang feedback legit po. Nagkaproblema lang po ay nung nandito na sa Pilipinas ‘yung item. Galing ibang bansa ang item pero parang bato ng Pilipinas ‘yung mga bato at yung ilalim ng box ng item parang nabuksan na po,” lahad ni Jennylyn.

Nanawagan din siya na sana ay matigil na ang ganitong uri ng mga panloloko.

Loading…