European Parliament nanawagan sa PH gov’t na i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN

Imahe mula sa ABS-CBN
  • Naglabas ng resolusyon ang European Parliament para ipanawagan sa gobyerno ng Pilipinas na ibalik ang prangkisa ng ABS-CBN
  • Umapela rin ang parliyamento para sa kaso ni Maria Ressa ng Rappler
  • Nagpahayag ng pagkaalarma ang parliyamento sa patuloy na paglala umano ng kalagayan ng press freedom sa bansa

Naglabas ng resolusyon nitong Huwebes ang European Parliament na nanawagan sa gobyerno ng Pilipinas na bigyan ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN.

Isa lamang ito sa maraming isyu na inapela ng European Parliament para umano bigyang pansin ng administrasyong Duterte. Kabilang na rito ang kaso ni Maria Ressa at Reynaldo Santos Jr. dahil diumano sa posibleng paglabag sa kalayaan ng pamamahayag o press freedom.

Imahe mula sa European Parliament

Ayon sa nasasaad sa Joint Motion For a Resolution na may petsang Setyembre 16, naaalarma umano ang parliyamento sa paglala ng kalagayan ng press freedom sa Pilipinas. Umapela rin ito na tigilan na ang patuloy na ‘harassment’ umano kay Ressa at ibasura na ang mga kaso laban sa kaniya.

Nakalagay rin dito na ang European Parliament “recalls that press freedom and freedom of expression are fundamental components of democracy; calls on the Philippine authorities to renew the broadcast licence of the main audio-visual group, ABS-CBN.”

Napilitang magsara ang ABS-CBN matapos itong mabigo na makakuha ng panibagong prangkisa mula sa Kamara noong Hulyo dahil sa iba’t-ibang alegasyon mula sa ilang kongresista na kaalyado ng gobyerno kabilang na ang diumano’y hindi tamang pagbabayad ng buwis.

Imahe mula sa ABS-CBN News

Sa kabila nito, umaasa pa rin ang mga tagasuporta ng Kapamilya network na muling makababalik sa himpapawid ang telebisyon at radyo stations ng ABS-CBN sa pamamagitan ng isinusulong na people’s initiative.

Ayon sa isang abogado, posibleng mapanood at marinig na muli ang mga programa sa TV at radyo ng Kapamilya stations sa buong bansa kung sakaling makakalap ng 7 milyong lagda ang people’s initiative at manalo ito sa national referendum.

Loading…