Ex-BF ni Gladys Guevarra naglabas ng pahayag, itinanggi ang lahat ng paratang sa kanya

Screenshot mula sa LStyle Studios
  • Ex-partner ni Gladys Guevarra naglabas na ng pahayag
  • Itinanggi ni Leon Sumagui ang mga paratang sa kanya ni Gladys
  • Sa isang video, ipinaliwanag niya isa-isa ang lahat ng mga ibinibintang sa kanya

Kamakailan ay nag-viral ang komedyante at singer na si Gladys Guevarra dahil sa hindi nila pagkakaunawaan ng kanyang partner na si Leon Sumagui na nauwi sa kanilang hiwalayan.

Imahe mula sa Instagram account ni Gladys Guevarra

Pinaratangan pa ni Gladys ang dating partner na tinangay ang pera na galing sa negosyo nilang mga kakanin na ibinayad ng mga customers na sa bank account ni Leon  pumapasok.

“Some of it tinakbo na talaga dahil ayaw nang sumagot ngayon, ayaw nang ibigay, ayaw nang sumagot ng tawag,” sabi ni Gladys sa isang video.

BASAHIN: Gladys Guevarra tinangayan ng perang pangnegosyo ng kaniyang partner

May iba pang ibinintang ang komedyante kay Leon na ngayon ay naglabas ng isang video upang ilahad ang panig niya at itanggi ang mga paratang ni Gladys laban sa kanya.

Sa video ng LStyle Studios na pag-aari ni Leon, inisa-isa niyang ipinaliwanag na walang katotohanan ang mga paratang.

Tungkol sa P9,100 na  ibinayad ng mga customers na hindi pa naibabalik ni Gladys sa mga customers nilang umorder ng kanilang produkto dahil nasa bank account pa raw ito ng partner, ipinaliwanag ni Leon na ang nasabing halaga ay P8,300 lang na naibigay o nai-remit na niya kay Gladys isang araw bago pa ang kanilang hiwalayan.

Screenshot mula sa video ni Gladys Guevarra

Mariin din niyang itinanggi na ni-ransack niya ang kanilang opisina at sinira ang mga records ng transactions na naka-save sa computer.

Paliwanag ni Leon, 90% ng mga gamit sa opisina ay pag-aari niya. Hindi raw niya sinira ang records kundi tinanggal lang niya ang order form para hindi na makapag-place ng order ang mga customer na ang bayad ay sa account nga niya pumapasok. Kumopya lang din daw siya ng mga transactions upang may pagbatayan kung magkano ang halaga na pumasok sa account niya na isasauli niya kay Gladys.

Marami pang ipinaliwanag si Leon, pero sa bandang huli ay nakiusap siya sa mga netizens na huwag siyang basta na lang huhusgahan dahil hindi nila alam ang buong katotohanan.

Isang payo rin ang ibinigay niya para sa lahat at para na rin kay Gladys.

Screenshot mula sa LStyle Studios

Sabi niya, kung may atraso ang isang tao, huwag gamitin ang social media upang ipahiya ito, yurakan ang pagkatao nito at kunin ang simpatya ng nakararami. May mga batas naman daw na umiiral na maaaring gamitin upang hindi na makapaminsala ang taong may atraso para makamit ang hustiyang hinahangad.

Para na rin daw itong paglalagay ng batas sa sarili mong mga kamay kapag ginamit ang social media laban sa isang tao. Lalo na raw kung ang magsasalita ay isang public figure o influencer na maraming followers o fans na paniniwalaan halos lahat ng kanilang sasabihin.

Screenshot mula sa video ni Gladys Guevarra

Ang mga salitang binitawan sa social media ay maaari din naman daw magamit laban sa nagpahayag niyon. Ngunit nilinaw ni Leon na hindi niya ito gagawin kay Gladys Guevarra.

Aniya, alam niyang mabuting tao si Gladys, pero mahirap lang itong mahalin.

Panoorin ang buong pahayag ni Leon Sumagui:

Loading…