Flatten the Fear: Grupo nanawagan na tanggalin na ang lahat ng uri ng community quarantine

Imahe mula sa Radyo Todo
  • Nanawagan ang isang grupo na tanggalin na ang lahat ng uri ng lockdown o community quarantine
  • Sa halip na lockdown ay iminungkahi ng CDCph ang national protocol for prophylaxis at early treatment ng COVID-19
  • Ayon sa grupo, ang iminumungkahi ay isang epektibo, ligtas, hindi mahal at science-based na solusyon upang matugunan ang health crisis sa bansa

Nanawagan ang isang grupo ng mga doktor at concerned citizens sa pamahalaan na alisin na ang mga lockdown o community quarantine na ipinaiiral sa bansa dahil sa COVID-19.

Imahe mula sa SCMP

Bilang alternatibo sa community quarantine, nagpanukala ang Concerned Doctors and Citizens of the Philippines (CDCph), na may limang libong members, kay Pangulong Rodrigo Duterte na  magkaroon ng national protocol for prophylaxis at early treatment ng COVID-19.

“We proposed to the President for the Philippines to adopt a national protocol for the prophylaxis and early treatment of COVID-19 that aims to reduce hospitalization and prevent loss of lives,” ayon sa statement ng CDCph na binasa ni Dr. Jaime Galvez-Tan, dating kalihim ng Department of Health, sa paglulunsad ng “#FlattenTheFear” campaign.

Ang prophylaxis ay isang preventive measure sa pamamagitan ng pagbibigay ng medikasyon upang mapigilan ang pagkakasakit.

Ani Dr. Galvez-Tan, ang national protocol para sa early treatment ng COVID-19 ay isang epektibo, ligtas, hindi mahal at science-based na solusyon upang matugunan ang health crisis sa bansa.

Imahe mula sa CDCph

“With this solution in mind, we appeal to the President to lift all lockdowns,” aniya.

Dapat umanong ituon ng gobyerno ang efforts nito sa early treatment at home quarantine sa karamihan ng mga pasyente habang ang prophylaxis naman ay para sa mga high-risk individuals tulad ng mga frontliners.

Ayon sa isang CDCph member na si Dr. Edwin Bien, ang anti-viral drug na hydroxychloroquine ay maaaring ibigay bilang prophylaxis para maiwasan ang pagkakaroon ng COVID-19. Ligtas umano ito kung ibibigay sa tamang dosage at may konsultasyon sa doktor.

Ang ilan pang mga doktor ay nagprisinta ng mga datos na nagpapakita ng mababang mortality rate sa hanay ng COVID-19 patients sa mga bansang may access sa hydroxychloroquine.

Imahe mula sa InterAksyon

Ayon naman sa Geriatric doctor na si Homer Lim, kahit walang hydoxychloroquine basta may early intervention o kapag nilapatan ng lunas ang pasyente sa loob ng unang limang araw ng COVID-19 infection ay bumababa ang bilang ng mga taong kailangang madala sa pagamutan.

Sinabi ni Dr. Galvez-Tan na handa silang makipag-usap sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases tungkol sa kanilang iminumungkahi.

 

Loading…