For Sale: Handa mo bang bilhin ang lumang bahay na may ‘bantay’?

  • Nagdulot ng pagkaaliw sa mga netizens ang larawan ng isang “for sale” na lumang bahay
  • Ang tanging isyu lamang daw kung bakit ito ibinebenta ay dahil may “bantay” sa loob nito
  • Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento

Sabi nga, isa sa magagandang investment ang pagbili ng mga property gaya ng bahay at lupa sapagkat maaari itong pagkakitaan. Maaari kasi itong ipaayos, ipa-renovate, at paupahan. O kaya naman, patayuan ng ibang mga establisimyento. Subalit paano kung ang lumang bahay na ibinebenta sa iyo ay may kakaibang ‘bantay’?

Sa halip na magdulot ng katatakutan, pagkaaliw at katatawanan ang hatid ng isang larawang itinampok sa Facebook page na “Papa” kung saan makikita ang isang “For Sale” umanong lumang bahay, na ibinebenta sa napakamurang halaga. Ang tanging isyu lamang daw kung bakit ito ibebenta ay dahil sa ‘bantay’ nito sa loob, na makikitang nakatanaw sa durungawan o bintana nito.

Imahe mula sa Facebook page na “Papa” / Public Domain Image

“FOR SALE HOUSE AND LOT. ISSUE : MAY BANTAY SA LOOB,” saad sa caption ng post.

Umani naman ito ng reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Hahaha, kasama po ba sa bibilhin yung puting bantay sa loob? Bibilhin ko po iyan basta mapaalis lang yung bantay na iyan hahaha,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Huwag na lang po, okay pa po ako sa bahay namin. Aso lang po ang bantay, hindi iyang mumu hahaha.”

“Gosh, hahaha, mukhang mahirap paalisin ang bantay na iyan… mukhang kailangan ng espiritista,” wika naman ng isa.

Isa sa mga sikat na lumang bahay na may natatagong hiwaga ay ang “Bahay na Pula” sa Bulacan na pinaniniwalang nagkukubli ng iba’t ibang mga kuwento lalo na sa panahon ng pananakop ng mga Hapones sa bansa. Nariyan din ang “Laperal” o “White House” sa Baguio City na nakapagtataka umanong nawawala o hindi makita sa lokasyong kinatitirikan nito pagsapit ng gabi.

Public Domain Image

May paniniwala ang mga Pilipino na ang mga lumang bahay na walang nakatira ay pinamumugaran ng mga elemental.

Loading…