Freighter ship na may 39 Filipino crew nawawala sa dagat ng Japan; 1 Pinoy nailigtas ng coast guard

Imahe mula sa Malay Mail
  • Lumubog ang isang freighter ship na may 43 crew members at kargang livestock sa dagat ng Japan
  • Isang Pinoy crew ang nailigtas ng Japan Coast Guard at nasa maayos nang kalagayan
  • Hinahanap pa ngayon ang nawawalang 42 crew kabilang na ang 38 na Pinoy

Patuloy pa ring hinahanap ng Japan coast guard ang isang freighter ship na mayroong 43 crew members kabilang na ang 39 na Pinoy, 2 Australians at 2 New Zealanders.

Ayon sa pinakahuling balita, natagpuan at nailigats ang isang crew member na nakilalang si Eduardo Sareno, 45 anyos, isang Pinoy at chief officer ng Gulf Livestock 1 na pinaniniwalaang lumubog sa East China Sea sa kasagsagan ng bagyong Maysak nitong Miyerkules ng gabi.

Imahe mula sa Yahoo News

Agosto 14 nang bumiyahe mula sa New Zealand ang Gulf Livestock 1  at mayroon itong karga na humigit-kumulang na 6,000 livestock (baka).

Patungong China ang nasabing barko nang hampasin umano ito ng malalakas na alon malapit sa Amami Oshima island.

Base sa salaysay ni Sareno sa Japan Coast Guard, namatay ang makina ng barko bago pa man ito lumubog. Pinagsuot umano sila ng life jacket bago inatasang tumalon sa dagat.

Subalit wala na raw siyang nakita sa kaniyang mga kasamahan pagkatapos niyang tumalon hanggang sa siya ay mailigtas ng coast guard.

Gulf Livestock 1| Imahe mula sa Marine Traffic

Nakapagpadala pa umano ng distress signal ang freighter ship bago ang malungkot na pangyayari.

Samantala, nagpadala na ng mga patrol boats at helicopter sa lugar ang JCG upang patuloy na hanapin ang nawawala pang 42 crew members kabilang na ang 38 na Pinoy. Subalit nahihirapan umano ang mga rescuers dahil sa sama ng panahon at lakas ng alon.

Ligtas na rin umano si Sareno sa pagamutan at nasa maayos na itong kalagayan sa kabila ng tinamong mga sugat.

Patuloy namang mino-monitor ng Department of Foreign Affairs (D.FA) ang pangyayari at nakikipag-ugnayan na sa konsulada ng Pilipinas sa Osaka.

Loading…