Gierran binigyan ng Palasyo hanggang Disyembre para linisin ang Philhealth

Philhealth chief Dante Gierran/ Imahe mula sa PNA
  • Binigyan ni Pangulong Duterte ng ‘ultimatum’ si Gierran para linisin ang Philhealth
  • Ayon sa Palasyo, kailangang ‘malinis’ ni Gierran ang ahensiya hanggang Disyembre nitong taon
  • Hindi naman ito nangangahulugan na hanggang doon na lamang din ang kaniyang termino

Nitong Huwebes, Setyembre 17, ay pormal nang nanumpa si dating National Bureau of Investigation NBI) chief Dante Gierran bilang bagong president at CEO ng Philhealth kapalit ng nagresign na si Ricardo Morales.

Si Gierran ay nanumpa sa harap ni Health Secretary Francisco Duque III na siyang Philheath board chairperson at isa rin sa isinasangkot sa diumano’y katiwalian sa ahensiya.

Imahe mula sa Facebook

Kasabay nito, binigyan umano ni Pangulong Rodrigo Duterte si Gierran ng ‘ultimatum’ para linisin ang Philhealth, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

“It is an ultimatum. You need to clean up PhilHealth by end of the year,” ani Roque sa isang press briefing.

“The deadline given to Attorney Gierran is a deadline to clean up the organization. File all the cases that need to be filed, suspend, terminate, whatever you need to do in order to cleanse the ranks of PhilHealth,” dagdag na pahayag ng tagapagsalita ng Palasyo.

Nilinaw naman ni Roque na hindi ito nangangahulugan na hanggang Disyembre na lang din ang termino ni Gierran.

Nangako naman ang dating hepe ng NBI na handa siyang linisin ang kurapsyon sa loob ng state insurer sa loob ng dalawang taon.

Imahe mula sa PNA

“Sigurado ‘yan, kakayanin. Kakayanin ko talaga ‘yan,” ani Gierran, na isang abogado at certified public accountant.

SI Gierran ay hinirang ni Pangulong Duterte nitong buwan para pamunuan ang PhilHealth sa gitna ng umano’y malawakang kurapsyon sa ahensiya sangkot mismo ang ilang matataas na opisyal nito kabilang na si Morales at Duque.

Kapwa naman ito pinabulaanan nina Morales at Duque at sinabing handa silang harapin ang lahat ng alegasyon laban sa kanila.

Loading…