Grab rider na pumarada sandali para sa online classes, hinangaan

Imahe mula sa Facebook | Christian Nunez at Ria Mae Baniqued
  • Hanga ang netizens sa sipag at determinasyon ng isang Grab driver na nakuhanan ng larawan nang tumigil sandali sa pagde-deliver upang pumasok sa online class
  • Kuha ng kapwa delivery rider ang larawan na ngayon ay viral na sa social media
  • Nagpasalamat naman ang working student sa larawan na si Ax Valerio dahil may mga nagpapaabot ng tulong sa kaniya

Nagsilbing inspirasyon para sa mga estudyante ang isang Grab rider na nakuhanan ng larawan nang tumigil sandali sa pagde-deliver upang pumasok sa online class.

Imahe mula sa Facebook | Christian Nunez

Ibinahagi ng kapwa niya rider na si Christian Lorenz Nunez ang larawan ng 3rd year communication arts student na si Ax Valerio kung saan makikitang abala siya sa pakikinig sa kaniyang propesor habang nakatabi sa gilid ng mall.

“Kaya pala pumarada si paps kasi need niyang umattend ng online class. Sana matupad mo ‘yong pangarap mo. Salute sa’yo, pare,” ani Nunez sa post na ngayon ay may mahigit 75k reactions at 67k shares na.

Kuwento ni Valerio sa Definitely Filipino, kasabay niya si Nunez sa pagpunta sa mall nang maalala niyang may klase siyang dapat pasukan. “Muntik na akong ma-late kaya bigla po akong nag-stop saglit sa gilid ng mall para makapag-attendance sa prof,” aniya.

Agosto 2019 nang magsimulang magtrabaho bilang Grab rider si Valerio upang makatulong sa kaniyang pamilya. Na-stroke kasi ang kaniyang ama kaya hindi na ito nakapaghahanapbuhay, habang ang kaniyang ina naman ang nag-aalaga rito.

Imahe mula sa Facebook | Ax Valerio

Pag-amin niya sa isang panayam sa 24 Oras, naka-off ang kaniyang video at audio habang dumadalo sa klase dahil nahihiya siya sa mga kaklase. “Nahihiya po ako kasi nasa labas ako tapos yung mga kaklase ko nasa loob ng bahay.”

Nagpasalamat naman siya sa mga nagpaabot ng tulong sa kaniyang pag-aaral kagaya na lamang ng isang shop na nagbigay sa kaniya ng iPad.

“Maraming salamat po siyempre sa nag-upload na kaibigan ko. ‘Di naman po aabot sa ganito kung hindi dahil sa kanya. Sa mga tumulong po sa akin, maraming salamat po. Pangako po na I will pay it forward ‘pag ako naman po ang nakaahon sa buhay.”

Mensahe niya sa mga kapwa estudyante na kagaya niyang kailangang isingit ang pagtatrabaho habang pumapasok sa online classes, “Wag po tayo susuko! Laban lang. Sana malampasan natin ‘to lahat. Magdasal lang po tayo lagi at humingi ng guidance kay Lord.”

Loading…