Guro nanawagan ng tulong para sa mga estudyanteng umaarkila ng cellphone at walang pang-load

Imahe mula sa Facebook account ni Rejhon Soriano Modesto
  • Estudyante ng isang guro umaarkila lang ng cellphone para maka-attend ng online class
  • Ang isa pa niyang estudyante ay may trabaho sa madaling-araw kaya nale-late sa online class
  • Humingi ng tulong sa social media ang guro para sa dalawa niyang estudyante
  • Marami ang tumugon sa panawagan ng guro

Nahabag si teacher Rejhon Soriano Modesto sa dalawa niyang estudyante na pursigidong maka-attend ng kanilang online classes ngunit nahihirapan dahil sa pinansyal na kagipitan.

Imahe mula sa Facebook account ni Rejhon Soriano Modesto

Noong nakaraang araw ay ipinost ng butihing guro ang screenshot ng pakikipag-usap niya sa dalawa niyang estudyante. Ang isa ay umaarkila lang ng cellphone (cp) at ang isa naman ay napilitang magtrabaho para may pangpa-load para sa wifi.

“Sir may pasok ba? nag-arkila lang ako cp,” tanong sa kanya ng isang estudyante.

Nangangamba naman ang isa niyang estudyante na male-late sa online class dahil may trabaho siya.

“Sir, paano po ‘pag na-late sa online class. May trabaho na po kasi ako, e. Madaling araw nga lang po pero ‘di po aabot ng isang oras late ko. Wala po kasing pang-load sa wifi kaya need magtrabaho,” mensahe ng estudyante.

Ramdam niya ang mga pinagdaraanan ng mga estudyante niya kaya nanawagan ng tulong si teacher Reyjhon sa mga netizens.

“Kung sakaling may smartphone kayo diyan na hindi na ginagamit o kahit ‘yung sira na pero pwede pang ipaayos at magamit sa online class. Please, pm niyo ako,” post ng guro sa Facebook.

Screenshot ng Facebook post ni Rejhon Soriano Modesto

“Sobrang sakit. Ito lang po ang tanging magagawa ko po dahil mababa rin naman po ang sahod ng mga kagaya kong guro,” dagdag pa ni Sir Rejhon.

Marami ang tumugon sa panawagan niya kaya agad siyang nagbigay ng update tungkol sa dalawang estudyante.

“Gusto ko lang po ipaabot na nakausap ko na po ulit ‘yung magulang nung isang estudyante kong suma-sideline sa paghihila ng lambat sa madaling araw para magkaroon ng pampa-load ng internet. Siya po ay na-lockdown sa kanilang probinsya sa Marinduque. Nagawan na po natin ng paraan ‘yung smartphone, pagpapakabit ng internet,” aniya.

Screenshot ng Facebook post ni Rejhon Soriano Modesto

“’Yung estudyante ko naman pong suma-sideline bilang delivery boy ng tubig sa Batangas. Hindi na rin po siya magrerenta ng smartphone para makadalo lang sa klase,” sabi niya tungkol sa estudyanteng umaarkila lang noon ng cellphone.

Anang guro, marami pa ang nagsabing magbibigay ng tulong para sa mga estudyante niya. Nangako siya na isasapubliko ang mga tumulong at tutulong pa.

Source :

Facebook

Loading…