Guwardiya nagbebenta ng empanada para may dagdag kita para sa pamilya

Image by Jason Lauzon via Facebook
  • Guwardiya na nagbebenta ng empanada para may pandagdag-kita, hinahangaan online
  • Kumikita umano ang guwardiya ng P300 hanggang P350 na siyang gugugulin niya sa pang-ulam nila ng kanyang pamilya
  • Nasabi pa ng guwardiya na masarap ang kanyang paninda lalo pa’t dalawa sila ni misis na nagluto nito

Umaani ngayon ng papuri sa social media ang isang guwardiya na nagbebenta ng empanada para kahit papaano’y may dagdag-kita. Mahirap kasi aniya ang buhay ngayon at kailangan ng ekstra-kayod para sa kanyang mag-anak.

Image by Jason Lauzon via Facebook

Pagkukuwento ni Jason Lauzon, nadaanan niya ang guwardiya na mayroong mga paninda kaya’t tinanong niya kung ano ang mga ito. “Uy ikaw pala sir, bili na empanada,” sagot naman ng guwardiya.

Nasabi ng hindi pinangalanang guwardiya na masarap ang kanyang paninda lalo pa’t silang dalawa ng kanyang misis mismo ang nagluto nito, at mga 80 piraso na lamang ang natitira nang dumating ang kausap.

Saad pa ng security guard, kumikita siya ng P300.00 hanggang P350.00 rito na siyang ipambibili niya ng pang-ulam nila sa gabi ang araw na iyon.

Wika ng lalaking napadaan, “Sipag mo din sir no, napagsasabay mo trabaho mo pati pagbebenta niyan.” Ang naisagot ng isa, “Kailangan eh, alam mo naman mahirap ang buhay tapos tatlo ang anak ko.”

Kasabay nito ang paanyaya ng guwardiya na bumalik ang kausap dahil cheese roll naman ang paninda nito kinabukasan.

Dahil sa nasaksihang ito, nasabi ni Jason: “Minsan ang sarap din makipag-usap sa ibang tao. ‘Yung ‘di mo kakilala. Lalo na ‘yung mga taong masisipag at lumalaban ng patas sa buhay kahit ang hirap ng buhay.”

Image by Jason Lauzon via Facebook

Agad namang nag-trending ang kuwento na nakakuha na ng higit 61,000 reaksyon at 34,000 pagbabahagi habang ipino-post ito.

Komento ng isang netizen, “Nakakatuwa ‘yung ganito. ‘Yung pinaghihirapan ang pagkita ng pera. Samantala ‘yung iba tamang nakaw lang.”

Saad naman ng iba, “Nakakakilig ‘yung ‘kaming dalawa ni misis gumawa niyan’ masarap ‘yan. Nai-imaging ko ang saya siguro ng bonding nilang mag-asawa. Teamwork ba.”

May nagpahayag naman ng, “Basta sa pamilya, laban lang! Go! Go! Go! Kahit ano diskarte puwede basta marangal. Salute sa’yo kuya guard at sa lahat ng mga tao, magulang, mga anak na dumidiskarte sa buhay kahit sa panahon ng ganitong pandemya.”

Image by Jason Lauzon via Facebook
Source :

Facebook

Loading…