Halos 91K na ‘waitlisted senior citizen’ nanganganib na ‘di makatanggap ng pension dahil sa tapyas sa budget ng DSWD

Imahe mula sa PIA
  • Posibleng ‘di makatanggap ng kanilang pensiyon ang halos 91,000 na senior citizen sa 2021
  • Ito ay dahil tinapyasan ang budget ng DSWD ng mahigit P800-M para sa susunod na taon
  • Nagpahayag naman ng pagkabahala ang ilang mambabatas dahil dito

Nanganganib na hindi makatanggap ng kanilang pension ang halos 91,000 na waitlisted na senior citizen sa susunod na taon dahil sa pagtapyas sa budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWDP); ito ang inamin ng isang opisyal ng ahensiya.

Sa panayam ng GMA News kay DSWD Assistant Secretary Glenda Relova, sinabi nitong binawasan ng mahigit P800-M ang kanilang hinihinging P24-B na budget para sana sa 3.7 milyong senior citizen na saklaw ng programa.

Imahe mula sa PIA

“Ang epekto po nito, ang hindi pagkakabigay ng budget na ito is mayroon po tayong mga waitlisted na around 91,000 na senior citizens na naghihintay mabigyan po ng grant. Kung hindi po maibibigay sa amin itong P800 million, hindi po namin sila maisasali para po sa 2021,” paliwanag ni Relova.

Kabilang sa tinapyas ay ang P157-M na nakalaan sana sa paggawa ng mga cash cards na ipamamahagi sa mga senior citizen, ayon kay Relova.

Nagpahayag naman ng pagkabahala ang ilang mambabatas at hinimok ang Kongreso na tingnan kaagad ang naturang bagay.

Ayon kay Bayan Muna Representative Carlos Zarate, marami namang pondo ang gobyerno na maaaring ma-realign upang mapondohan ang sinasabing kakulangan ng ahensiya.

Imahe mula sa PIA

“Bakit kailangan pa magpa-waitlisted ang mga senior citizens natin or elderly people? Alam naman po nating limitado na ‘yong panahon nila dito sa mundo, lalo na ‘yong mga mahihirap tapos naka-waitlisted,” wika ni Zarate.

Hinimok naman ni Northern Samar 1st District Rep. Paul Daza ang DSWD na ayusin ang diumano’y ‘delayed disbursement’ ng social pension para sa mga mahihirap na matatanda.

Samantala, tiniyak naman ni DSWD spokesperson Irene Dumlao na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa Kongreso at Department of Budget and Management (DBM) para solusyunan ang kakulungan ng pondo ng ahensiya.

Loading…