‘Height of injustice’: Duque ‘hindi na nakatutulog’ dahil sa pagkakadawit sa isyu ng PhilHealth

Screenshot mula sa YT video ng RTVM
  • Naglabas ng sama ng loob si Sec. Duque dahil sa pagkakadawit sa anomalya sa PhilHealth
  • Ayon sa kalihim, ‘di na siya nakatutulog dahil dito
  • Muli namang tiniyak ng Pangulo na may tiwala pa rin siya kay Duque at hindi nito kailangang mag-resign

Naglabas ng sama ng loob kay Pangulong Rodrigo Duterte si Health Secretary Francisco Duque dahil sa pagkakadawit ng kaniyang pangalan sa isyu ng katiwalian sa PhilHealth.

Sa ginawang televised address ng Pangulo nitong Lunes ng gabi, hindi napigilang magbahagi ng kaniyang pagkadismaya si Duque dahil sa mga panawagang magbitiw na siya sa tungkulin.

Screenshot mula sa YT video ng RTVM

“‘Yung mga pumirma, hindi naman sila ni-recommend for filing of the cases. ‘Yung hindi pumirma, ‘yun lang ang idinawit. Bakit naman ganon? Height of injustice, unfairness,” anang kalihim.

Ang tinutukoy ni Duque ay ang rekomendasyon ng Senado na sampahan ng reklamo ang DOH official at si resigned PhilHealth chief Ricardo Morales dahil umano sa kapabayaan at pagkakadawit sa anomalya sa loob ng ahensiya.

Giit pa ng kalihim, masakit para sa kaniya ang mga bintang at hindi na siya makatulog dahil dito.

“Masakit po ‘yan, Sir, ‘yung hindi ka nga pumirma, ikaw pa ‘yung ipinipilit na idawit. ‘Yun, sir, ang ‘di ko lang matanggap sa dibdib ko. Hindi ako nakakatulog dahil dito, sir,” wika pa ni Duque.

Screenshot mula sa YT video ng RTVM

Bago pa man maglabas ng kaniyang sentimyento ang kalihim, tiniyak na sa kaniya ni Pangulong Duterte ang tiwala nito sa kabila ng mga panawagang mag-resign na ito.

“Ang akin lang naman ‘yung corruption, wala ka doon… There’s an investigation going on, let it be. If you are not guilty of corruption, ang kalaban ko lang ho ‘yung corruption,” ayon sa Pangulo.

Nauna nang pinabulaanan ni Duque ang alegasyong sangkot siya sa katiwalian sa PhilHealth. Handa rin umano siyang harapin at sagutin ang anumang kasong isasampa sa kaniya na may kaugnayan dito.

Loading…