Hepe ng LTO Region 7 inakusahan ni Harry Roque ng pangingikil sa mga motorcycle distributors

Screenshot mula sa Facebook video ng RTVM
  • Pinangalanan ni Harry Roque ang LTO-7 official na diumano ay sangkot sa korapsyon
  • Sinabi ni Roque na si LTO-7 Director Victor Caindec ay nangingikil sa mga motorcycle distributors sa Cebu
  • Mariing itinanggi ni Caindec ang paratang sa kanya

Pinangalanan ni Presidential Spokesman Harry Roque ang isang regional officer ng Land Transportation Office (LTO) na diumano ay sangkot sa korapsyon na may kaugnayan sa pagre-release ng mga plaka ng motorsiklo.

Imahe mula sa PCOO

Ayon sa tagapagsalita ng Pangulo, sangkot daw si LTO Region 7 Director Victor Caindec sa pangingikil sa mga motorcycle distributors sa Cebu. May nakuha umano si Roque na mga affidavits na nagpapatunay na nangingikil ang opisyal.

“Okay, since Caindec brought out his own name, yes, I was referring to Caindec. I have affidavits to prove po na kinikikilan niya iyong mga motorcycle distributors, and this is a matter of public document already,” pahayag ni Roque sa isang televised press briefing.

“Nang hindi po pumayag na mas mataas iyong kikil na ibibigay sa kanya,  saka po siya nagkaroon ng kung anu-anong hadlang,” aniya.

Nagbabala si Roque na ipagbibigay-alam niya ito kay Pangulong Rodrigo Duterte na galit sa korapsyon.

“Zero corruption ang Presidente. Ang mga corrupt, magtago na kayo, sisipain kayo ng Presidente sa gobyerno,” babala ni Roque.

Mariin namang itinanggi ni Caindec ang akusasyon sa kanya ni Roque. Hinamon niya si Roque na patunayan ang bintang.

Lumabas umano ang alegasyon laban sa kanya sa gitna ng ginagawang imbestigasyon ng LTO-7 sa anomalya sa motorcycle dealership sa Region 7. Sinubukan daw umano siyang suhulan ngunit tumanggi siya at sinimulan ang malalimang imbestigasyon.

Caindec/Screenshot mula sa video ng LTO Region VII

“We are the only LTO region investigating a dealership. I am the only director, well, at least in my opinion, I refused the bribe offer which led to this extensive investigation. So, kung kami ra ang ga-imbestiga, kami ra diay ang corrupt (So, kung kami ang nag-imbestiga, kami ang corrupt)? What does that mean?” ani Caindec.

Pakiramdam ni Caindec ay pine-pressure siya upang itigil ang ginagawa nilang imbestigasyon. Sa naturang imbestigasyon ay natuklasan umano nila ang large-scale tax evasion scheme ng mga motorcycle distributors.

Mababasa sa Facebook page ng LTO Region VII ang buong pahayag ni Caindec hinggil sa isyu.

Source :

PNA, GMA Network

Loading…