Higit 7 milyong pamilyang Pilipino nakaranas ng gutom sa nakalipas na 3 buwan

Imahe mula sa Reddit
  • Umabot na sa 7.6 million Filipino families ang nakaranas ng “involuntary hunger” sa loob ng nakalipas na tatlong buwan ayon sa SWS survey
  • Ang SWS survey na isinagawa noong September 17 to 20
  • Sinabi ni Sec. Harry Roque na mahalaga ang muling pagbubukas ng ekonomiya upang maibsan ang kagutuman na sanhi ng pagsasara ng mga negosyo dahil sa pandemya

Binigyang-diin ng pamahalaan ang kahalagahan ng muling pagbubukas ng ekonomiya upang muling makapaghanapbuhay ang mga mamamayan kasunod ng resulta ng Social Weather Station (SWS) survey na nagsasabing 7.6 million Pinoy families ang nakaranas ng gutom sa loob ng nakalipas na tatlong buwan.

Screenshot mula sa PTV video

Naniniwala si Presidential Spokesperson Harry Roque na ang dahilan ng naranasang kagutuman ng mga pamilyang Pinoy ay ang bunsod ng pagsasara ng ekonomiya dahil sa umiiral na COVID-19 pandemic.

“Nakakalungkot ‘yang balitang ‘yan bagama’t halos sigurado ako na ‘yan po’y dahil nga sa pandemya na nagsasara tayo ng ekonomiya,” ani Roque.

Ang pagbubukas ng ekonomiya lang daw ang tiyak na makapagpapababa sa bilang ng mga Pilipinong nakararanas ng kagutuman.

“Ang garantiya talaga na mapapababa natin ang bilang ng nagugutom, buksan ang ekonomiya nang mas marami ang makapaghanapbuhay dahil ang ayuda, alam naman po natin, temporary lang yan,” aniya.

Kaugnay nito ay tiniyak ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte na patuloy ang pagbibigay ng pamahalaan ng mga ayuda sa publiko sa ilalim ng kailan lang naipasang Bayanihan To Recover As One Act.

Screenshot mula sa PTV video

Batay sa survey ng SWS, ito na ang highest hunger incidence na naitala simula noong 2012.

Sinabi ng 30.7 percent ng 1,249 adult respondents sa survey na ginawa noong September 17 to 20 ay nakaranas sila ng gutom dahil sa kakulangan ng makakain. Mas mataas ito kaysa 20.9 percent na naitala noong buwan ng Hulyo.

Ang survey ay ginawa habang ang bansa ay nasa ikapitong buwan ng pagpapatupad ng community quarantine kung saan maraming negosyo ang isinara at nagpatupad ng mga restriksyon sa galaw ng mga tao sa layuning maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Imahe mula sa Nikkei Asian Review
Source :

SWS, Inquirer

Loading…