Ilang lugar na may ‘zero COVID transmission’ posibleng isailalim na sa ‘new normal’ simula Oktubre

Imahe mula sa PNA
  • Posibleng isailalim sa ‘new normal’ ang ilang lugar sa bansa simula Oktubre
  • Tiniyak rin ng Palasyo na may mababago sa classifications simula sa susunod na buwan
  • Hindi naman makumpirma pa kung kasama rito ang Metro Manila

Posibleng isailalim na sa tinatawag na ‘new normal’ ang ilang bahagi ng bansa na walang community transmission ng COVID-19 simula sa susunod na buwan ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Ayon kay Roque, magkakaroon na ng pagbabago sa darating na Oktubre at posible umanong tuluyan nang tanggalin ang restrictions o luwagan nang kaunti sa ilang lugar.

Imahe mula sa PCOO

“We’re still data-driven and guided by science. What I can say though is it will not be the same,” ani Roque na ibinahagi ring siya mismo ang personal na nagmungkahi nito sa IATF.

“Nag-agree naman ang IATF na there will be areas na zero transmission in the past month na pwede nang ideklara as under new normal,” dagdag pa ng tagapagsalita ng Palasyo.

Dahil dito, magkakaroon umano ng bagong classification dahil magkakaroon na ng ‘new normal’ maliban sa MGCQ.

Imahe mula sa ABS-CBN News

Karamihan sa mga lungsod at bayan sa bansa ngayon ay nasa ilalim pa ng general community quarantine (GCQ) at modified general community quarantine (MGCQ). Subalit ang classifications na ito ay nakatakdang mag-expire na rin sa katapusan ng Setyembre.

Hindi naman makumpirma ni Roque kung kabilang ang Metro Manila o National Capital Region (NCR) dahil depende pa rin umano ito sa doubling rate ng COVID at kapasidad ng critical care ng mga pasilidad.

Sa kasalukuyan, nasa ilalim ng GCQ ang Metro Manila hanggang sa katapusan ng buwan.

Loading…