Ilang supot ng basura kabilang ang used face masks, gloves at PPE nagkalat sa EDSA

Screenshot mula sa GMA video
  • Anim na supot ng basurang naglalaman ng used PPEs, face masks at gloves nagkalat sa EDSA
  • Hindi nakunan ng MMDA CCTV camera kung sinadya o hindi ang pagtatapon ng mga basura sa EDSA
  • Dahil sa pangyayari ay muling nagpaalala ang DOH hinggil sa proper disposal ng health care wastes

Ilang plastic garbage bags na puno ng mga basura kabilang ang mga nagamit nang face masks, gloves, at personal protective equipment ang nakitang nagkalat sa EDSA malapit sa White Plains Avenue dakong alas-singko ng umaga noong Lunes, September 28.

Screenshot mula sa GMA video

Bukod sa mga disposable medical wastes, nakita rin mula sa mga nabuksang anim na supot ng basura ang used diapers, plastic bottles, plastic cups, paper tissue at mga papel. Ang mga basura ay nasa northbound lane ng EDSA sa tabi ng bike lane kaya napilitan ang mga sasakyan na dumaan sa dalawang leftmost lanes ng highway upang iwasan ang mga iyon.

Pasado alas-siyete na ng umaga nang malinis iyon ng dalawang street sweepers mula sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ilang kawani ng barangay na nakasasakop sa lugar.

Ayon kay MMDA EDSA Traffic Management chief Bong Nebrija, hindi nahagip ng kanilang CCTV camera ang pangyayari dahil sa ibang direksyon umano nakapaling ang mga surveillance camera noong mga oras na iyon.

Aniya, posibleng nakunan ng CCTV camera na nasa People Power Monument ang pangyayari. Ire-request umano ng MMDA na masilip ang footage na kuha niyon.

Screenshot mula sa GMA video

Samantala, dahil sa insidente ay muling pinaalalahanan ng Department of Health ang health institutions at local government units hinggil sa proper disposal ng mga PPEs.

“So we remind our health care providers and our local government units, humihingi po kami ng tulong para ma-monitor natin ang pagtatapon natin ng basura. ‘Pag kumalat ‘yan sa daan, ‘pag pinulot ito ng ating garbage collectors and they are not wearing their gloves, or even when they are wearing their gloves, ‘pag na-miss out nila nakahawak sila sa kanilang mukha maaari silang mahawa,” ani DOH Usec. Ma. Rosario Vergeire.

Aniya, bago itapon ay dapat minamarkahan ang mga naturang basura na iyon ay mga health care wastes.

Screenshot mula sa GMA video

Loading…