Isa pang Pinoy survivor sa lumubog na barko natagpuan; ligtas at kilala na

Imahe mula sa Japan Coast Guard
  • Natagpuang ligtas ng Japan Coast Guard ang pangatlong crew mula sa lumubog na barko
  • Isa itong Filipino crew at pangalawang Pinoy survivor ng Gulf Livestock 1
  • Palutang-lutang umano sakay ng balsa ang pangalawang Pinoy survivor

Nasagip at nailigtas nang buhay ang pangatlong crew na natagpuan mula sa lumubog na Gulf Livestock 1 sa karagatan ng Japan.

Ang crew, na isang Pinoy, ay nakitang palutang-lutang umano sakay ng isang balsa nitong Biyernes ng gabi mga 2 kilometro ang layo mula sa baybayin ng Kodakara Island. ‘Conscious’ ito at kayang maglakad bago dinala ng coast guard sa ospital.

Imahe mula sa Japan Coast Guard

Kinilala ang Pinoy crew na si Jay-Nel Rosales, 30 anyos. Siya ang pangatlong crew ng nawawalang freighter ship na natagpuan ng Japan Coast Guard (JCG) at pangalawang Pinoy na himalang nakaligtas sa lumubog na barko.

Magugunitang nailigtas rin noong Huwebes ang unang Pinoy crew na si Sareno Edvarodo , 45 anyos, isang chief officer ng Gulf Livestock 1.

Sumunod na natagpuan ang isang hindi pa nakikilalang crew na walang malay at palutang-lutang sa yelo mga 120 kilometro mula sa  Amani Island bandang alas-6:30 umaga ng Biyernes.

Capt. Sareno| Imahe mula sa LA Times

Kinalaunan ay napaulat na binawian na rin ng buhay ang nasabing crew na hindi pa tiyak kung anong lahi bagama’t may hinala ang mga awtoridad na isa rin itong Filipino.

Kinumpirma naman ni Labor Secretary Silvestre Bello ang pagkakaligtas ng JCG kay Rosales.

“Sa 39 nating kababayan, dalawa na ang nare-recover na buhay—si Captain Sareno at si Jay-Nel Rosales,” ani Bello sa panayam ng dzBB.

Imahe mula sa Japan Coast Guard

Samantala, patuloy pa rin ang paghahanap sa nawawala pang 40 crew member ng Gulf Livestock 1 na sinawimpalad noong Miyerkules matapos hampasin ng malalakas na alon malapit sa Amami Oshima island sa kasagsagan ng bagyong Maysak.

Agosto 14 nang tumulak mula sa New Zealand ang Gulf Livestock 1 patungong China karga ang humigit-kumulang na 6,000 livestock (baka). Ang freighter ship ay may kabuuang 43 crew kabilang na ang 39 na Pinoy, 2 Australian at 2 New Zealander.

Loading…