
- JTF COVID Shield gumawa ng Facebook account
- Ang hakbang na ito ay ginawa upang bigyan ng kakayahan ang netizens na tulungan ang pamahalaan at proteksyunan ang sarili at community mula sa mga quarantine violators
- Hinimok ng JTF na direktang i-report sa kanilang FB account ang mga lantarang paglabag sa quarantine protocols
Gumawa ng Facebook (FB) account ang Joint Task Force (JTF) COVID Shield kung saan maaaring direktang mag-report ang mga netizens tungkol sa lantarang paglabag sa mga ipinatutupad na quarantine protocols.

Sa isang pahayag, sinabi ni JTF COVID-Shield head Lt. Gen. Guillermo Eleazar na ang paggawa ng social media account ay bahagi ng kanilang pagsusumikap na mabigyan ng kakayahan ang publiko hindi lang upang tulungan ang pamahalaan sa pagpapatupad ng quarantine rules kundi upang maproteksyunan din nila ang kanilang mga sarili at komunidad mula sa mga taong sumusuway sa health safety protocols.
Sa pamamagitan ng FB page ay mas magiging madali at mabilis para sa mga netizens na magpadala ng kanilang mga reklamo tungkol sa mga lumalabag sa quarantine rules.
“I-tag niyo lamang po ang Covid Shield Facebook page sa mga larawan at mga video na inyong nakuhanan ng mga violations ng quarantine rules,” sabi ni Eleazar.
Maaari rin daw na ipadala ang mga larawan at video sa pamamagitan ng FB Messenger.
Tiniyak ni Eleazar na itatago ang pagkakakilanlan ng mga netizens na magsusumbong o magpapadala ng reklamo.

“The fight to protect yourself, your family your community, and our country from COVID-19 is a responsibility of every Filipino. Let us work together,” aniya.
Ang mga larawan at video na ipadadala ng netizens ang pagbabatayan ng isasagawang beripikasyon ng mga awtoridad sa pakikipagtulungan ng kinauukulang local government unit, partikular na ang mga opisyales ng barangay.